PINANGUNAHAN ng mga miyembro ng Philippine Army 2nd Infantry Division (PA-2ID) ang tree-planting activities ng iba’t ibang kasapi ng civic group at non-government organization (NGO) sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal.
Pagsapit pa lang ng 5:30 ng umaga, ipinaliwanag ni Major General Rhoderick Parayno, commander ng 2ID na mas kilala sa tawag na “Jungle Fighters” ng army, ang kahalagahan ng tree planting activities at ang pakikiisa ng mga mamamayan sa pag-alaga at pagprotekta sa kalikasan.
“As much as we protect our people and our sovereignty, we also have to protect our environment for the benefit of everyone and the next generations,” pahayag ni Parayno.
Sinabi ni Parayno na nakipag-ugnayan na rin sila sa mga civil society organization gaya ng Rotary Clubs upang mapalaganap ang kamalayan na kinakailangan sa pagprotekta sa kalikasan.
Aabot sa mahigit 2,000 buto ng fruit-bearing at non-fruit bearing tree ang tinanim ng Jungle Fighters, military officers at civilian volunteers sa nasabing event.
Tanging ang Camp Capinpin dito, inilarawang “camp within the forest and a forest within the camp”, ang tree planting site sa rehiyon na sumusuporta sa national greening program ng pamahalaan.
Sinabi rin ng mga official na parte rin ng kanilang misyon na bumuo ng safe and sound environment conducive para sa kaunlaran at negosyo at “winning the hearts” ng komunidad.
Sinabi rin nila na ang kanilang tropa ang namumuno sa kanilang misyon upang masiguro ang ligtas na seguridad laban sa masasamang grupo at rebelde sa Calabarzon at Southern Tagalog regions, kabilang ang Mindoro. (PNA)