NANAWAGAN si Senator Bam Aquino na imbestigahan ng Senado ang pagkakadiskubre ng isang “secret cell” sa loob ng himpilan ng Manila Police District-Station 1 sa Raxabago sa Tondo, Maynila. Sorpresang nag-inspeksiyon ang isang grupo mula sa Commission on Human Rights (CHR) sa himpilan ng pulisya nitong Abril 27 ng gabi at natagpuan ang 12 kataong nakasalampak sa malamig na baldosa, nagsisiksikan sa napakakitid na pasilyo na nasa likod ng isang kahoy na bookshelf.
Tumugon ang CHR sa mga ulat na ang mga nakapiit sa “sekretong selda” ay pinagbabayad ng hanggang P100,000 kapalit ng kanilang kalayaan. Sinabi ng mga bilanggo na isang linggo na silang nakadetine makaraang maaresto sa akusasyon ng paggamit o pagbebenta ng droga. Kaagad na sinibak sa puwesto ni MPD chief Senior Supt. Joel Coronel ang hepe ng istasyon.
Isang araw matapos ang inspeksiyon, ipinagtanggol ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang ginawa ng presinto. “As long as the prisoners were not tortured or extorted, it’s OK by me,” aniya. Dahil dito, sinabi ni Senator Panfilo Lacson, na dating pinuno ng PNP, na “incomprehensible” para sa kanya ang pagdedepensa ni Director General Dela Rosa sa mga pulis na nasa likod ng “sekretong selda”.
Sa isasagawang pagsisiyasat, sinabi ni Senator Aquino na bubusisiin nila ang kaso alinsunod sa Bill of Rights sa Konstitusyon na mariing nagbabawal sa “torture, force, violence, threat, intimidation, or any means which vitiate free will” at “secret detention places, solitary, incommunicado, and other forms of detention”. Ipinagbabawal din sa Republic Act 9745, o ang Anti-Torture Act of 2009, ang “secret detention places where torture may be carried out with impunity”.
Gayunman, matutuklasan sa imbestigasyon ng Senado na higit pa sa mga probisyon ng batas na ito at ng Konstitusyon ay ang malungkot na katotohanan sa kaawa-awang kalagayan ng mga selda sa mga himpilan ng pulisya at mga bilangguan. Sa kanyang pagbisita sa presinto sa Tondo, sinabi ni Director General Dela Rosa na siksikan na ang selda nito kaya naman hindi na nakatutulog nang maayos ang mga bilanggo. Sa katunayan, aniya, sampu sa mga preso sa “sekretong selda” ang nagpasalamat na hindi sila ikinulong sa siksikan nang regular na selda ng presinto.
“I pity my men there,” sabi ni Dela Rosa. “They were the ones who found ways to maximize the space, to solve the congestion. Legally, they are liable because that is not authorized, but what now? They would force them to stay inside the overcrowded detention cell and die of suffocation?”
Matutuklasan ng Senado na ang problema sa mga siksikang piitan ay sumasaklaw sa buong bansa. Nabunyag lang ito sa natuklasan sa presinto sa Tondo. Ang solusyon ng himpilan ng pulisya sa Tondo ay malinaw na ilegal, sa katunayan ay labag sa batas. Ngunit ano nga ba ang dapat gawin para resolbahin ang problema?
Kaya naman mainam nang magkaroon ng imbestigasyon ang Senado, hindi lamang tungkol sa usapin ng ilegalidad at pagiging labag sa Konstitusyon ng insidente sa presinto sa Tondo, kundi upang mapagtuunan ng pansin ang malawakang suliranin tungkol sa mga siksikang piitan at, sana, ay mapakilos ang mga kinauukulang opisyal sa Kongreso at sa Ehekutibo upang maiwasto ang pagkakamali.