Kalaboso ang siyam na katao sa magkakahiwalay na anti-drug operation ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Valenzuela police sa lungsod.
Ayon kay Police Senior Supt. Ronaldo Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, unang inaresto sina Robert Ramos, 35, ng No. 535 Coloong 1; at Chito Espiritu, 46, ng No. 19 Tagalag, bandang 12:30 ng madaling araw noong Huwebes.
Nakuha sa kanila ang limang pakete ng umano’y shabu.
Makalipas ang mahigit isang oras, dakong 1:40 ng madaling araw, nadakip naman ng grupo ni Police Sr. Inspector Milan Naz sina Alex Castro, 32, ng No. 11 P. Ramos Street, Barangay Palasan; at Rafael Cabantog, 36, ng No. 077 F. Alcanar St., Wawang Pulo.
Isang concerned citizen ang nagparating sa grupo ni Naz tungkol sa pagbebenta umano ng shabu ni Cabantog at dali-daling ikinasa ang operasyon sa kanyang bahay.
Pagsapit naman ng 1:30 ng madaling araw kahapon, sinalakay nina Police Insp. Willex Mesina ang isang bahay na nagsisilbi umanong drug den sa Fatima Avenue, Marulas.
Dito isa-isang inaresto sina Sonia Victor, 45, ng C. Moina St., Viente Reales; Nino Nicanor, 37, ng No. 99 Faustino St., Bgy. Punturin; James Camata, 20; Mary Jane Sta. Maria, 34; at Honey Grace Deniega, 21, pawang residente ng Area 1, Pinalagad St., Bgy. Malinta.
Narekober sa kanila ang 18 pakete ng umano’y shabu, buy-bust money, drug paraphernalia at isang cal. 45 baril.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Art 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition). (Orly L. Barcala)