MASAYANG tinanggap ni Xian Lim ang Best Supporting Actor award ng Gawad Tanglaw para sa pagganap niya sa pelikulang Everything About Her.
Itinuturing niyang malaking karangalan na mapahanay sa iba pang mga nagwagi sa naturang award-giving body kaya hindi na raw niya ito makakalimutan sa buong buhay niya. Kahit nga raw hawak na niya ang diploma (sa halip na tropeo, diploma ang ibinibigay ng Gawad Tanglaw) ay parang hindi pa rin siya makapaniwala.
“Sa totoo lang, eh, hindi pa talaga masyadong nagsi-sink in sa akin ang pagkapanalo kong ito. Parang nanaginip pa rin ako. Pero laking pasasalamat na lang sa lahat ng mga bumubo ng Gawad Tanglaw. After all the hard work ko sa pelikula naming ‘yun ni Ate Vi at ni Angel (Locsin), eh, sobrang saya ko talaga,” sabi ni Xian.
Kasama ni Xian sa mga tumanggap ng parangal nang gabing iyon si Ms. Charo Santos na tinanghal namang Best Actress para sa pelikulang Ang Babaeng Humayo.
“Sobrang saya ko rin naman dahil nakatabi ko si Ma’am Charo. Nasa likod pa namin si John Lloyd Cruz. Kumbaga, sabi ko nga sa mga nag-iinterbyu sa akin no’ng gabing ‘yun na hindi ko talaga makakalimutan ang experience kong ‘yun.
“Kumbaga, it is something to remember for a lifetime. Ito na siguro sa ngayon ang masasabi kong pinaka-ultimate na nangyari sa pagiging actor ko,” napatawang banggit ng aktor.
Paulit-ulit ang pasasalamat ni Xian sa kay Vilma Santos na naging gabay daw niya para mailabas ang acting niya.
Habang buhay din daw niyang hindi makakalimutan na nakatrabaho niya ang Star for All Seasons.
Napakarami raw kasi niyang natutuhan mula kay Ate Vi na magagamit niya sa mga susunod pa niyang project.
“If there’s one thing I learned sa pelikula, eh, ‘yung sabi ni Ate Vi na years and years in the business, hanggang ngayon hindi pa rin daw niya alam ang ginagawa niya. Kakapit pa rin daw siya sa director. It’s just sana marami pa akong makatrabaho, mabigyan ng mas marami pang proyekto.
“At sana, kagaya ng pelikulang Everything About Her, eh, mabigyan pa tayo ng mga gano’ng mabigat na klaseng role,” sey ni Xian.
Pangarap ni Xian na mabigyan pa rin siya ng pagkakataon na makatrababho ang iba pang magagaling na Kapamilya actress.
“Well, sana nga lang, gusto ko ring makatrabaho sina Ms. Anne Curtis, Ms. Sarah Geronimo, Bea Alonzo, at iba pa,” sabi pa ni Xian Lim. (JIMI ESCALA)