PAWANG galing sa mahaba-habang bakasyon, ipagpapatuloy ng San Miguel Beer, Talk ‘N Text, Globalport at Phoenix ang kani-kanilang kampanya sa muling pagsabak sa 2017 PBA Commissioners Cup ngayon sa Smart-Araneta Coliseum.
Mauunang magtutuos sa unang laro ng double header ang Batang Pier at Fuel Masters ganap na 4:15 ng hapon na susundan ng sagupaan ng Beermen at Katropa ganap na 7:00 ng gabi.
Tatangkain ng Beermen na mapanatiling malinis ang marka sa pagpuntiya ng ika-anim na sunod na panalo habang magtatangka naman ang Katropa na makapagsolo sa ika-apat na puwesto kung saan kasalukuyan nilang kasalo ang Star Hotshots sa parehong 5-2 karta.
Umaasa ang Beermen na mapapanatili ang magandang performance na bunga ng kanilang magandang samahan.
“Kaya kami nangunguna ngayon dahil sa aming chemistryat sana magtuluy-tuloy ito at malagpasan namin anumang hamon ang dumating”, ayon kay Beermen forward Arwind Santos.
Mauuna rito, kapwa magtatangka ang Globalport (2-5) at Phoenix (3-4) na palakasin ang tsansang umabot sa susunod na round. (Marivic Awitan)