Duguang bumulagta ang tatlong suspek sa ilegal na droga matapos umanong makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City police sa dalawang buy-bust operation noong Miyerkules ng gabi hanggang kahapon ng madaling araw.

Unang itinumba ng drug enforcement operatives ng Batasan Police- Station (PS-6) si Gary Dorimon, alyas “Loloy”, sa ikinasang operasyon sa labas ng kanyang bahay sa Creek Extension, San Miguel Street sa Barangay Payatas, dakong 6:15 ng gabi noong Miyerkules.

Sinasabing pinaputukan ni Dorimon ang mga pulis nang malaman niyang poseur-buyer ang kanyang napagbentahan ng P500 halaga ng umano’y shabu.

Ang operasyon, ayon sa PS-6, ay ikinasa laban kay Dorimon at kanyang mga kasabwat na kapwa kinilala sa alyas na “Kalbo” at “Noli.”

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Matinik umanong tulak ng ilegal na droga ang tatlo, hindi lamang sa Quezon City kundi maging sa iba pang lungsod sa Metro Manila.

Gayunman, si Dorimon lamang ang naaresto ng mga operatiba.

Napansin umano ni Dorimon na peke ang transaksiyon kaya bumunot ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis na alertong nakaganti hanggang sa bumulagta ang suspek.

Nakuha nila kay Dorimon ang dalawa pang pakete ng shabu at isang caliber 45 pistol.

Sa Bgy. Pag-asa, nakaengkuwentro ng mga pulis sina Alexander Matibag, 49, at Ronald Martinez na kapwa umano armado ng caliber 45 baril sa buy-bust operation, dakong 1:00 ng madaling araw kahapon.

Naiulat na binentahan nina Matibag at Martinez ng P500 halaga ng shabu ang tauhan ng Masambong Police Station at naramdaman ang presensiya ng mga pulis hanggang sa nauwi sa pamamaril. (Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)