Handa ang Department of Defense na tapusin ang framework agreement sa defense at security cooperation kasama ang Ministry of Defense ng Russian Federation sa pagbibisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Moscow sa susunod na buwan.
Ito ang ipinahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos nilang magpulong ni Russian Defense Minister Sergey Shoygu kamakailan sa sidelines ng VI Moscow Conference on International Security. Ito ang unang bilateral meeting ng dalawang defense chief.
Ayon kay Lorenzana, sa nalalapit na pagtatapos ng framework agreement sa defense cooperation, umaasa ang Pilipinas na mapabuti pa ang gumagandang security at defense engagement sa Russia sa larangan ng training, exchange of information at expertise, at port calls, at marami pang iba.
Sinabi niya na opisyal na pagbisita ni Pangulong Duterte sa Russia sa susunod buwan ay inaasahang lalo pang sisigla ang relasyon ng Pilipinas at Russia.
Isang magandang indikasyon ng lumalawak na Philippine-Russia defense interaction ang apat na araw na pagdaong sa Manila kamakailan ng guided missile cruiser na “Varyag” – ang flagship vessel ng Russian Navy Pacific Fleet
Sa kanilang pagpupulong, ikinalugod nina Lorenzana at Defense Minister Shoygu ang mga positibong kaganapan sa bilateral relations at nagkasundo na lalo pang palalakasin ang kooperasyon sa depensa at security sphere.
Umaasa naman ang Russia sa “effective work and good results” sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa Russia ngayong Mayo.
“We are looking forward to this meeting and hope that it will promote our relations, including in the field of defense,” diin ng pinuno ng Russian military department sa pagpupulong.
Bumiyahe si Lorenza sa Moscow para makilahok sa unang pagkakataon sa Moscow Conference on International Security.
Ito ay taunang pagpupulong para sa diyalogo sa mga isyung militar at depensa. (Roy C. Mabasa)