SYLVIA copy copy

HINDI na itutuloy ni Sylvia Sanchez ang balak sana niyang pagpunta ng New York galing ng Orlando, Florida para manood ng Broadway plays dahil kailangan niyang bumalik ng Pilipinas sa Linggo, Mayo 7, dahil may pictorial shoot siya para sa product endorsement niya sa Martes, Mayo 9.

“Cut-short ang trip namin, dapat punta pa kami ng New York, alam mo naman, ‘di ba, kaligayahan kong manood ng Broadway play kapag nasa Amerika ako, e, hindi na tuloy, next trip na lang naming magpapamilya,” kuwento ng aktres.

Ililibot sana niya si Gela, ang anak niyang member ng Poveda Enciende na nag-champion sa Dance Worlds 2017 at bronze medalist naman sa International Cheerleading Union Worlds 2017. Sa Universal Studios sa Florida na lang naglibot ang mag-ina.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“Ngayon lang kami nagkasama ni Gela, sinundo ko na s’ya sa All Star Disney Hotel, mula kasi no’ng dumating sila dito naka-hotel na sila hiwalay sa amin dahil araw-araw training nila.”

Pero bago umuwi ng Pilipinas ang mag-ina ay makakadaan pa sila sa Los Angeles, California para bisitahin ang ilang kaibigan at kaanak doon.

At excited na siya sa kanyang pictorial shoot para sa billboard.

“Nakakatuwa lang, kasi after 27 years sa showbiz ngayon lang ako makakatikim ng may billboard, ha-ha-ha. After 27 years, ngayon lang may nag-alok sa akin maging endorser, nakakatuwa.”

Halos lahat naman ng mga artista, pinapangarap na magkaroon ng product endorsements o magkaroon ng billboard sa kahabaan ng Edsa at sa iba’t iba pang major highways and cities sa buong Pilipinas.

“Kaya excited ako, Regg kasi may pictorial ako para sa billboard. Isipin mo, magkaka-billboard ako, ha-ha-ha,” masayang sabi ng aktres.

Ayaw pang i-reveal ni Ibyang kung anong produkto ang ieendorso niya, saka na lang daw. At take note, Bossing DMB, hindi lang isa kundi dalawa pa with billboard din ang isa. Bongga, di ba?

“Dahil ito sa The Greatest Love kaya napansin ako,” saad ni Ibyang.

Hanggang Amerika ay Mama Gloria ang tawag sa kanya ng mga kababayan nating nakakasalubong niya. Panay din ang tanong ng mga ito kung wala bang replay ang The Greatest Love.

“Ang sarap sa pakiramdam na binabati ka dahil maganda ang show, kaya talagang proud ako sa TGL at nagpapasalamat talaga ako sa GMO unit, sa lahat ng staff and crew at sa mga anak ko sa show kasi group effort lahat iyon, hindi ko naman magagawang mag-isa kung wala sila,” masayang sabi pa ni Ibyang.

Samantala, inalam namin kay Ibyang kung ano ang next project niya.

“Hindi ko pa alam, sabi lang magkakaroon.”

Sabagay, pinagpapahinga muna siya at dapat niyang i-enjoy ang kanyang bakasyon. (REGGEE BONOAN)