Tiniyak ni Manila Police District (MPD) Director Police Chief Supt. Joel Napoleon na umuusad na ang isinasagawa nilang imbestigasyon hinggil sa reklamong extortion ng ilang detainees, na natuklasang nakapiit sa umano’y “secret jail” ng MPD-Station 1 sa Tondo.
Ayon kay Napoleon, ang Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) ang nag-iimbestiga sa reklamong extortion laban kay Supt. Robert Domingo at sa mga tauhan nito.
Gayunman, idinepensa ni Napoleon ang grupo ni Domingo at iginiit na walang secret detention cell sa MPD-Station 1.
Nilinaw niya na temporary holding area lang ito ng mga nakakulong sa police station, tulad ng una nang sinabi ni PNP Chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
“It is just an extension jail of Station 1 where those persons undergoing booking procedures for inquest proceedings sa city hall are temporarily held,” paliwanag ni Napoleon.
Sinabi pa niya na 89 ang nakakulong sa regular jail ng Station 1 na dapat ay para sa 30-40 katao lamang.
“Temporary lahat ‘yan until hopefully, we’re requesting the regular courts to issue the necessary commitment orders so we can all transport ‘yung mga detainees to the city jail of BJMP (Bureau of Jail Management and Penology),” dagdag pa ni Napoleon. (Mary Ann Santiago)