NGAYONG tayo ay madalas ginugulantang ng lindol, hindi tayo dapat maghalukipkip na lamang, wika nga. Manatili tayong laging nakahanda, lalo na ngayong mistulang nakabalatay sa maraming lugar sa ating bansa ang kinatatakutang west valley fault. Mismong pamunuan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang laging nagpapahiwatig na ang naturang fault line ang maaaring magbunsod ng kinasisindakan nating “The Big One.”

Totoong nakababahala na ang mga pagyanig sa lahat ng malalaking isla – Luzon, Visayas at Mindanao – sa kapuluan.

Kamakailan lamang, ang Davao Occidental ay ginulantang ng 7.2 earthquake magnitude na puminsala sa mga ari-arian.

Maging ang mga lalawigan ng Lanao del Norte at Sur ay nilindol na rin, kasunod ng mga aftershock. Matindi rin ang pagyanig na naranasan sa Bohol sa Visayas.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa paggunita sa nakakikilabot na mga paglindol, hindi natin tinatakot ang ating mga kababayan. Manapa, nais nating tayo ay laging nakamulat sa paramdam hindi lamang ng mga kalamidad kundi ng iba pang sakuna na magbibigay-panganib sa ating buhay.

Hindi natin malilimutan, halimbawa, ang biglang pagbagsak ng Ruby Tower na ikinamatay ng daan-daang residente sa Sta. Cruz, Maynila maraming dekada na ang nakalilipas. Kasabay ito ng nakapanghihilakbot na pagyanig ng gusali ng Manila Times na aming pinaglilingkuran; parang duyan na iniuugoy ang naturang gusali samantalang kami ay sindak na sindak na nagdarasal sa isang sulok.

Hindi ko rin malilimutan ang pagbagsak ng Hyatt Hotel sa Baguio City maraming taon na rin ang nakararaan; matindi ang pinsalang idinulot nito sa mga buhay at ari-arian. Naminsala rin ang naturang lindol sa aming lalawigan sa Nueva Ecija na naging dahilan naman ng pagbagsak ng ilang gusali ng kolehiyo.

Sa harap ng ganitong nakakikilabot na mga pangyayari, may manaka-nakang babala ang Phivolcs: Ang 7.2 earthquake magnitude ay maaaring ikamatay ng libu-libong mamamayan... lalo na kung ito ay magaganap sa Metro Manila. Dahil sa matinding pagyanig, maaaring magbunsod ito ng tsunami o pagdaluyong ng malalaking alon mula sa Manila Bay. Huwag naman sanang mangyari.

Sapat na ang babalang ito upang tayong lahat ay manatiling kalmado sa harap ng mga panganib; hindi tayo dapat mataranta. Kaakibat nito, lalo nating pag-ibayuhin ang ating paglahok sa mga earthquake drill sa mga komunidad. Lagi nating isaisip at isapuso ang mga tagubilin ng Philvocs at ng iba pang ahensiya hinggil sa mga dapat ihanda at taglayin tuwing may kalamidad, tulad ng calamity kit.

Higit sa lahat, manatili tayong laging nagmamatyag. Sabi nga: Eternal vigilance at all times. (Celo Lagmay)