“KAPAG ‘di mo na masikmura ang mga kababalaghang nangyayari sa loob ng organisasyong iyong kinasasaniban, lumabas ka muna rito bago bumanat nang todo at humingi ng pagbabago…”
Ito mismo ang ginawa ni PO1 Vincent Tacorda, isa sa dalawang miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa Catanduanes na tinawag kong mga “uragong pulis”, na sa pagitan ng paghikbi at pangingilid ng luha ay ibinulalas nang pahapyaw sa media ang kanyang pagkadismaya sa mga opisyal ng PNP sa kanilang lalawigan. Naunahan ni PO1 Tacorda sa pagsusumite ng resignation letter ang kasamang nasibak din na si PO1 Dan S. Bagay.
Sa kanyang sulat na isinahimpapawid sa lahat ng istasyon ng radio sa Kabikulan, nagpaalam si PO1 Tacorda sa mga dati niyang kasamahan sa trabaho at sinabing isinumite na niya ang kanyang “irrevocable letter of resignation” kay Sr. Supt. Jacinto N. Culver, Group Director, Regional Headquarters Support Group (RHSG), Police Regional Office 5.
Ang tinutumbok pa niya sa kanyang “resignation letter” ay ang pagkakasibak niya sa puwesto at paglilipat sa kanya na walang karampatang dahilan dahil ito ay nakikita niya na isang “constructive demotion” lamang dahil sa hindi niya pagsunod sa “kapritso” at mga ilegal na ipinagagawa sa kanya ng kanyang hepe – partikular na idiniin niya rito ang utos na pagpatay at pagtatanim ng mga ebidensiya sa mga taong may kaugnayan sa ilegal na droga. May mga katibayan daw siya para sa mga alegasyon niyang ito.
“I do not wish to brag about my contributions in the organization especially those extra efforts I exerted only to ensure the fight against criminality, more particularly the war on drugs, even before President Rodrigo Duterte assumed office. My resignation comes with a heavy heart that I should leave the badge of service because I am no longer happy in the organization,” ang sabi ni PO1 Tacorda sa kanyang liham na may petsang Abril 26, 2017.
Ang lalim kasi ng pinaghuhugutan ng sama ng loob ni PO1 Tacorda matapos siyang walang kaabug-abog na sibakin sa puwesto, sa kabila umano ng kanya mga accomplishment na umani naman daw ng mga papuri mula sa kanyang mga kababayan.
Wala umano siyang alam na dahilan... para alisin siya sa puwesto agad-agad at ipatapon sa lugar na tapunan ng mga malatubang alagad ng batas.
Maliban lamang sa “isyung” ‘di niya sinunod ang mga utos na alam niyang ilegal daw, ay wala siyang ibang alam na dahilan para ma-justify ang ginawa sa kanya. Dagdag pa ni PO1 Tacorda, wala naman daw problemang ilipat siya sa ibang lugar basta ipamukha lamang sa kanya kung ano ang nagawa niyang kasalanan.
Ito ang isa sa mga nakalulungkot na senaryo sa pagseserbisyo bilang isang alagad ng batas – kapag may mga opisyal ng PNP na nagkakamal ng pera sa masamang paraan, sila pa ang mga namamayagpag at nakapagdidikta sa organisasyon – ang mga “uragong pulis” na gaya nina PO1 Tacorda at PO1 Bagay ang nabubugbog at nagkakaroon ng latay sa katawan.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)