HINDI halos humihinga si Sylvia Sanchez habang nagpe-perform ang Poveda Enciende dance group na kinabibilangan ng anak niyang si Gela Atayde sa Dance Worlds 2017 nitong Mayo 1 sa Orlando, Florida, USA.
Umabot kasi sa 27 grupo ang sumali sa open competition, kaya may amateurs at professionals na, at ang iba ay kilala na sa bansa nila. Bukod tanging pinakabata ang Poveda Enciende na binubuo ng high school students at first time sumali sa nasabing competition.
Huling nag-perform ang Poveda Enciende na naging kinatawan ng Pilipinas kaya abut-abot ang panalangin ni Ibyang na makapuwesto man lang ang dance group ng anak.
Dininig ng Diyos ang maraming nanalangin para sa tagumpay ng Team Pilipinas dahil sila ang tinanghal na champion sa Dance Worlds 2017 (Open Hip Hop). Hayun, naglulundag sa sobrang tuwa si Sylvia kasama ang ilang magulang ng mga batang kasali at mga teacher.
Ang post ng aktres sa kanyang social media account, “Yahoooo!!! #povedaenciende #teampilipinas is the champion for#thedanceworlds2017 Congratulations Gela and teammates, you made it!! Galing! Galing!!! I’m so proud of you!!”
Ang iba pang nanalo ay ang Paragon, USA (ikatlong puwesto) at Black Ice USA (ikalawang puwesto) at lahat ay nagkamit ng tig-iisang medalyang ginto at malaking tropeo.
Nitong Abril 27, nanalo rin ang grupo ng bronze medal sa International Cheerleading Union Worlds 2017.
(Reggee Bonoan)