SA pagtatapos ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit nitong Sabado, inilabas nito ang Pahayag ng Chairman tungkol sa South China Sea:

“We recognized the long-term benefits that would be gained from having the South China Sea as a sea of peace, stability, and sustainable development.

“We took note of the concerns expressed by some leaders over the recent developments in the area. We reaffirmed the importance of the need to enhance mutual trust and confidence, exercising self-restraint in the conduct of activities and avoiding actions that may further complicate the situation and pursuing the peaceful resolution of disputes without resorting to the threat or use of force.”

Inalis sa pinal na pahayag ang binanggit sa unang draft na nananawagang itigil na ang “land reclamation and militarization” sa karagatan. Direkta sana itong patama sa China. Hindi rin nabanggit ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong nakaraang taon tungkol sa South China Sea, na nagbasura sa paggigiit ng China ng soberanya nito sa halos buong karagatan na saklaw ng nine-dash line na alinsunod naman sa sinaunang mapa ng China.

Dahil dito, pinanatili ng ASEAN ang matagal na nitong paninindigan laban sa pagkontra sa China na nagtayo ng mga istruktura nito sa ilang isla sa pinag-aagawang karagatan, nagpagawa ng mga runway at iba pang installation.

Sinasabing hinarang ng Cambodia ang mga orihinal na pagsisikap ng ASEAN Summit sa Cambodia noong nakaraang taon na banggitin ang tungkol sa pasya ng Arbitral Court. Ngunit ito rin ang pananaw ni Pangulong Duterte, na hindi ito ang tamang panahon upang manindigan sa isang posisyong laban sa China.

Ito ang unang pulong ng ASEAN na pinamumunuan ng Pilipinas ngayong taon. Magkakaroon ng iba pang mga pulong ang ASEAN sa iba pang mga bansa, kabilang ang East Asia Summit sa Nobyembre na dadaluhan ng 18 bansa—ang sampung bansang ASEAN, kasama ang Amerika, Russia, China, India, Japan, Australia, New Zealand, at South Korea.

Mahirap sabihin kung ano ang maaaring mangyari at mapagpasyahan sa pulong ng ganito karaming bansa, kasama na ang pinakamakakapangyarihan sa mundo, ngunit ang Pilipinas, sa pamumuno ni Pangulong Duterte, at tiyak nang maayos na magagampanan ang papel nito gaya ng sa katatapos na ASEAN Summit — bilang isang tagapagtaguyod ng pagkakasundo, nakahahanap ng mga bagay na mapagkakasunduan sa harap ng mapaghamong mga sitwasyon.