Aksidenteng napatay ng pulis ang isang pedestrian sa Quezon City nitong Lunes ng gabi.
Nakatakdang maharap sa kasong reckless imprudence resulting homicide si Police Officer 1 Russel Moraña, 31, beat patroller sa Batasan Police Station, nang aksidente niyang mapatay ang isang lalaki na tumatawid sa Don Mariano Marcos Avenue sa Barangay Pasong Putik, bandang 6:50 ng gabi kamakalawa.
Kasalukuyang nakaratay si Moraña Far Eastern University Hospital sa Novaliches dahil sa matinding pinsala sa katawan.
Samantala, kinilala naman ang biktima na si Roberto Lavantes, caretaker ng isang kapilya sa ‘di kalayuang subdivision.
Base sa imbestigasyon ng Quezon City Police District’s Traffic Sector 2, binabaybay ni Moraña, sakay sa kanyang motorsiklo, ang Don Mariano Avenue patungong Quirino Highway nang tumawid si Lavantes.
Nasagasaan ni Moraña, nabigong huminto, ang biktima. Sa kabilang dako, tumilapon ang pulis mula sa kanyang motorsiklo. (Vanne Elaine P. Terrazola)