Patay ang dalawang katao habang nasugatan ang dalawang iba makaraang bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang nakaparadang Isuzu cargo truck sa Barangay Duka sa bayan ng Medina, Misamis Oriental, kahapon.
Ayon sa imbestigasyon ng Medina Municipal Police, nasawi sina Arviz Puego, driver ng XRM motorcycle, taga-Agusan del Sur; at Randy Namuag, ng Bgy. San Isidro, Medina.
Ginagamot naman sa ospital sina Jonamae Atienza at Shanty Endat, kapwa taga-Bgy. San Isidro, Medina, Misamis Oriental.
Nabatid sa imbestigasyon ni SPO2 Felix Espejo na nanggaling sa disco ang mga biktima at pauwi na sa Bgy. Duka nang bumangga ang sinasakyan ng mga ito sa nakaparadang cargo truck na minamaneho ni Richard Dacop, ng Cagayan de Oro City. (Fer Taboy)