AYON kay Governor Miguel Luis “Migz” Villafuerte ng Camarines Sur, ang kanyang girlfriend na bagong kinoronahan bilang Bb. Pilipinas Universe na si Rachel Peters ang masusunod kung paano nila ipagdiriwang ang panalo nito.
“I plan on asking her and following her because right now this is her moment. Whatever ways she wants to celebrate it, I will follow just like a servant-boyfriend,” sabi ni Migz sa exclusive interview sa Smart Araneta Coliseum nitong Lunes.
Wika ni Migz, na isa ring model, tatlong taon na silang magkasintahan ni Rachel.
“Bago pa s’ya maging beauty queen were boyfriend-girlfriend na,” sabi ng 28-year-old politician.
Ayon pa kay Migz, supportive siya kay Rachel simula pa nang una itong lumahok sa 2014 Miss World Philippines beauty pageant na tinanghal itong 4th Princess.
“Very supportive naman ako sa kanya. Tumutulong ako kung saan p’wede,” aniya.
Malalaman sa posts sa Instagram accounts nina Rachel at Migz na pareho silang mahilig magbiyahe at magpunta sa beach.
Mahilig ding mag-alaga ng aso si Rachel, 25, at makikita na karamihan sa kanyang posts sa social media ay iba’t ibang breeds ng kanyang paboritong pet.
Nitong nakaraang Marso, nag-post ang bagong beauty kung gaano siya kalungkot sa pagkamatay ng kanyang isang alaga.
Kaya inihahalintulad ng ibang netizens si Rachel kay Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach na mahilig ding mag-alaga ng mga aso.
Makailang beses na ring sumasama si Rachel sa mahahagalang meeting ni Migz sa Camarines Sur.
Nagpahiwatig din ang 5’9” Bicolana sa Instagram tungkol sa future project niya sa Siargao.
“Can’t wait to share a project we’ve been working on with all of you -- watch out for Hideout, Siargao,” aniya sa kanyang post sa IG kamakailan.
Sinabi rin ni Migz na hopeful siya na ang kanyang kasintahan ang susunod na Miss Universe mula sa Pilipinas.
Nang tanungin tungkol sa winning qualities ni Rachel, ang sagot ni Migz: “I think she’s a total package -- beauty, brains, the body. Sa tingin ko sa tulong ng buong Pilipinas, ang Miss Universe kaya natin ‘yan.”
Sa edad na 24, nahalal si Migz Villafuerte bilang gobernador ng CamSur nang talunin niya ang kanyang grandfather na si Luis sa 2013 polls.
Hawak niya ngayon ang record bilang youngest governor-elect sa Pilipinas, na dating hawak ni Mark Lapid.
Nitong 2016, muling nahalal si Migz bilang gobernador at ang kanyang amang si Luis Raymund “LRay” Villafuerte ay nanalo namang congressman ng 2nd District ng Camarines Sur. Ang kanyang paternal grandmother na si Nelly Favis Villafuerte ay dating miyembro ng Monetary Board. (ROBERT R. REQUINTINA)