Muling iginiit ng gobyerno ng Pilipinas ang soberanya sa Pag-Asa Island at Kalayaan Island Group na sakop ng probinsiya ng Palawan.
Naglabas ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng pahayag bilang tugon sa sinabi ni Chinese Ambassador to Manila Zhao Jianhua na “illegal” ang improvement work ng gobyerno ng Pilipinas sa Pag-asa Island.
“Any visit or activity we undertake there are part and parcel of our Constitutional mandate to ensure the safety, well-being, and livelihood of our citizens living in this municipality,” sinabi ni DFA Spokesperson Rob Bolivar.
Ang Pag-asa Island ang ikalawang pinakamalaking isla sa kapuluan ng Spratlys. Matatagpuan ito halos 480 kilometro sa kanluran ng Puerto Princesa City. Gayunman, inaangkin din ito ng China, Taiwan at Vietnam.
Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ititigil ang pagdedebelop at pagsasaayos sa mga istruktura sa Pag-asa Island sa kabila ng pagkontra ng China.
Ayon sa Pangulo, kukumpunihin lang naman ang mga istruktura na noong 1974 pa itinayo at ginagamit ng mga Pilipino at bahala na ang China kung ano ang pananaw nito, basta para sa kanya, ito ay bahagi ng obligasyon ng gobyerno.
(Roy C. Mabasa at Beth Camia)