Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na sa pagkakabunyag kamakailan ng tinaguriang “secret jail” sa loob ng isang himpilan ng Manila Police District (MPD) ay namulat ang publiko sa realidad ng sobrang pagsisiksikan sa mga piitan sa bansa.

Bagamat inamin ni Dela Rosa na ang nabunyag na kulungan ay labag sa international standards, sinabi niyang matagal nang problema sa bansa ang pagsisiksikan sa mga piitan—mula sa pansamantalang pagkakakulong sa presinto hanggang sa mga permanenteng kulungan.

“Legally, it’s wrong because that is not supposed to be the detention facility that they should be placed. That’s against the law,” sinabi ni Dela Rosa kaugnay ng pagkakadiskubre ng Commission on Human Rights (CHR) sa isang sekretong piitan sa likod ng isang bookshelf sa loob ng MPD-Station 1 sa Tondo, kung saan nakakulong ang may 12 katao.

“Pero sana itinanong din kung bakit nila (MPD) ginawa ‘yun. They are just maximizing the space,” katwiran ni Dela Rosa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

INIIWAS SA SIKSIKAN

Paliwanag ni Dela Rosa, batay sa personal niyang pagbisita sa himpilan ng pulisya, masyado nang siksikan ang mga bilanggo sa selda at ilan sa mga ito ang hindi na makatulog nang maayos.

Sa katunayan, ayon kay Dela Rosa, sampu sa mga nadiskubreng nakapiit sa secret jail ang nagpasalamat na hindi sila isinama sa mga nasa selda lalo na ngayong mainit ang panahon at siksikan sa piitan.

“Naaawa ako sa mga pulis ko. Sila na nga ‘tong nakaisip ng paraan para ma-maximize ‘yung space, kasi nga siksikan, sila pa ngayon ang may kasalanan. Legally they are liable because that is not authorized but what now? They would force them to stay inside that overcrowded detention cell and die of suffocation?” punto ni Dela Rosa.

Inulan ng batikos si Dela Rosa dahil sa hayagang pagtatanggol sa mga pulis-Maynila na nasa likod ng tinatawag na secret jail.

AROGANTENG BATO?

Kabilang sa mga pumuna kay Dela Rosa ang dating PNP chief at idolo niyang si Senator Panfilo Lacson na tinawag na arogante ang ginawang pagdepensa niya sa kanyang mga tauhang responsable sa secret jail.

“I respect him, he is my idol but if he said I am arrogant for defending my men who are not extorting money, who are not abusing their authority, then he has a different standard of arrogance,” ani Dela Rosa.

Bukod sa pagtatanggol sa hepe at mga tauhan ng MPD-Station 1, iginiit din ni Dela Rosa na hindi totoo ang mga alegasyong nangingikil ang mga pulis sa pamamagitan ng mga nakapiit sa secret jail.

NAGSINUNGALING SA CHR

Una nang napaulat na sinabi ng mga bilanggo sa secret jail sa Commission on Human Rights (CHR) na nakapiit sila roon habang kinukumpleto nila ang pera na umano’y hinihiling ng mga pulis kapalit ng pagpapalaya sa kanila.

Paliwanag naman ni Dela Rosa, ang pagtatanggol niya sa mga ito ay base sa sarili niyang pakikipag-usap sa mga napiit sa secret jail.

“Sabi nung isa, sir, sinabi namin ‘yun, nagsinungaling kami, sir, para…akala namin na mailabas kami ng CHR sa kulungan after that inspection. Sinabi namin ‘yun kasi akala namin matulungan kaming mailabas kami sa kulungan,” ani Dela Rosa.

“Paano man sila mailabas, may kaso man sila na kinakaharap, paano sila mailabas? So ‘yun nga nagbago ‘yung kanilang pananalita nang tinanong ko.

“Sinabi pa nila na nagpapasalamat sila sa mga pulis kasi binigyan sila ng pagkain kahit walang bumibisita sa kanila,” dagdag ni Dela Rosa.

IIMBESTIGAHAN

Gayunman, tiniyak ni Dela Rosa na hindi niya kukunsintihin ang nangyari kaya naman sinibak niya sa puwesto ang buong puwersa ng MPD-Station 1.

“I also asked the Internal Affairs Service to investigate it so that if it is proven that they violated the law, then they have to face the consequences of their action,” ani Dela Rosa.

Kaugnay nito, iginiit ni Senator Bam Aquino na imbestigahan ang secret jail kasabay ng panawagan sa PNP na linisin ang hanay nito.

“As the government’s enforcement arm in its war against illegal drugs, the PNP should safeguard the public’s trust by ensuring that abusive policemen are investigated and punished accordingly,” saad sa Senate Resolution No. 348 ni Aquino.

“Hindi katanggap-tanggap ang ganitong pagmamalabis. Kailangan itong maimbestigahan at matigil,” ani Aquino.

(AARON B. RECUENCO at LEONEL M. ABASOL)