NAGAWANG malusutan ng defending champion Ateneo ang bantang upset ng National University sa isang dikdikang 5-setter, 25-22, 21-25, 22-25, 25-18, 15-13, kahapon sa Game One ng kanilang best-of-3 finals series para sa UAAP Season 79 men’s volleyball tournament sa Araneta Coliseum.

Nakauna sa first frame, nalagay pa sa alanganing sitwayon ang Blue Eagles matapos ipanalo ng Bulldogs ang sumunod na dalawang sets para sa 2-1 lead.

Ngunit, sa fourth frame, hindi nila pinaporma ang Bulldogs na agad nilang nilayuan, 13-6, hanggang sa tuluyang makuha ang set at ipuwersa ang decider fifth set.

Sa fifth set, buhat sa dikit na panimula, matagal na napako sa 6 ang NU habang unti-unting lumayo ang Ateneo hanggang umabot sa iskor na 11-6.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Nagawa pang dumikit ng Bulldogs,11-13, ngunit hindi natinag ang Blue Eagles upang tuluyang makalapit sa asam nilang ikatlong sunod na titulo.

Pinangunahan ni reigning MVP Marck Espejo ang panalo sa ipinoste niyang 29 puntos na kinabibilangan ng 25 hit at tatlong block.

Dahil sa panalo, nanatiling walang bahid ang record ng Ateneo mula pa noong elimination round.

“Of course, sabi nga, kinalawang kami so ito siguro yung pagiging rusty namin. But good thing the Lord gave us still the win. A win is a win, five sets, four sets, three sets,” sambit ni Ateneo coach Oliver Almadro.

“Iba pa rin eh pag naglaro ka sa actual court. So I hope pagbalik namin sa second game, hindi na kami ganito. I’m sure that my players will really play well in Game 2,” aniya.

Nakatakda ang Game 2 ng best-of-three series sa Sabado. (Marivic Awitan)