Pitong katao, kabilang ang isang menor de edad, ang inaresto nang mahuli sa aktong bumabatak ng shabu at makumpiskahan ng hinihinalang droga sa buy-bust operation ng Pasay City Police sa isang bahay sa lungsod, nitong Lunes ng gabi.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Sections 5, 11, 13 at 14 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sina Ruelito Gueñez y Marquez, Angelita Bongat, Enrique Taylo, Edgar Alarcon, Rocky Fajardo at Anthony Almerante, pawang nasa hustong gulang, habang nakatakdang i-turn over sa Pasay Social Welfare and Development ang anak ni Bongat.
Sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., dakong 10:30 ng gabi ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasay City Police, sa pamumuno ni Senior Insp. Meynard Pascual, ang operasyon laban kay Gueñez sa bahay nito sa Everlasting Street, Barangay 184, Maricaban.
Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng shabu, sa halagang P1,500, kay Gueñez at habang inaabot niya ang droga ay agad siyang inaresto ng mga pulis.
Narekober kay Gueñez ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu at P1,500 marked money.
Inginuso ni Gueñez ang kanyang supplier at agad ikinasa ang follow up operation sa bahay ni Bongat kung saan naabutan si Bongat at kanyang anak at apat na iba pa na gumagamit ng droga at nakumpiska ang 150 gramo na shabu na nagkakahalaga ng P300,000. (Bella Gamotea)