Aabot sa dalawang kilo ng high grade shabu ang narekober ng Parañaque City Police, sa pakikipagtulungan ng Batangas Provincial Police Office at PNP Maritime Group Station, sa abandonadong kotse sa Batangas City Pier kahapon.

Patuloy na tinutugis ng awtoridad ang suspek na kinilala sa alyas na “JR”, isang umanong tulak mula sa Parañaque City.

Una rito, base sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., dakong 12:15 ng madaling araw ikinasa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Parañaque City Police ang operasyon laban kay RJ sa Aguirre Avenue, Barangay BF Homes.

Natunugan ng suspek na pulis ang kanyang katransaksiyon kaya agad itong sumakay sa isang Toyota Corolla Altis (XTU-479), at tumakas patungo sa Sucat Road, papuntang South Luzon Expressway (SLEx).

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Agad nagsagawa ng follow up operation ang Parañaque Police, sa pamumuno ni Senior Insp. Herbert S. Baylon na sinamahan ni Supt. Johnny Orme at ng ACOPO, PS3 at ng anim na iba pa, at sa koordinasyon ng Batangas PPO at Maritime Group, upang hanapin ang naturang sasakyan at dakpin ang suspek.

Dahil sa matiyagang paghahanap, bandang 5:10 ng madaling araw kahapon natunton ang nasabing sasakyan na nakaparada sa Batangas City Pier at nakuha ang dalawang kilo ng shabu na nakasilid sa dalawang plastic bag.

Nakatakdang suriin ang kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa mga lugar na dinaanan ng suspek upang matukoy ang pagkakakilanlan nito.

Posible umanong sumakay ng RoRo ang suspek upang takasan ang mga pulis. (Bella Gamotea at Lyka Manalo)