SA online ginagawa ang klase ni Connor Mitchell, wala siyang mga pagsusulit at nag-aaral siya sa iba-ibang bansa bawat taon.
Tumatanaw nga ba siya sa magandang kinabukasan, o isinusugal niya ito?
Ngayong walang tigil sa paglaki ang gastusin sa kolehiyo at mas maraming kurso ang available online nang libre, sinisimulan nang kuwestiyunin ng ilan ang pangangailangan sa tradisyunal na edukasyon sa kolehiyo na maaaring magpabaon pa sa utang sa estudyante nito.
Nag-aalok ng mga alternatibo ang mga education startup — mula sa mga boot camp, sa isa hanggang dalawang taong degree, hanggang sa mga accredited degree program — at iginigiit ng mga naglunsad nito na ang mga pagpipiliang ito ay magbibigay sa mga estudyante ng mas epektibong edukasyon sa matinding kumpetisyon sa merkado sa ngayon — sa mas murang halaga.
Ngunit nagbabala ang ilang eksperto laban sa pagsugal sa shortcut ngunit praktikal na pag-aaral na layuning magpakahusay sa isang partikular na larangan na in demand sa ngayon, ngunit hindi naman umano makatutulong para ihanda ang isang estudyante sa aktuwal na kumpetisyon sa mundo ng mga propesyunal. Sinabi rin nilang karamihan sa mga aplikante ay nangangailangan pa rin ng college degree mula sa isang kilalang institusyon upang masungkit ang pinakamagagandang trabaho.
Nais naman ng Minerva, isang accredited four-year university na ipinangalan sa diyos ng karunungan ng mga Griyego, na nais nitong baguhin at gawing mas moderno ang elite na four-year liberal arts education sa pagtuturo ng kritikal na pag-iisip kaysa “regurgitating information”, ayon kay Ben Nelson, ang nagtatag ng unibersidad.
“You cannot teach yourself how to think critically, you actually have to go through a structured process,” sabi ni Nelson, isang masayahin at madaldal na 41-anyos na dating presidente ng photo printing website na Snapfish. “What is sad is that wisdom is wasted on the old. Wisdom should be the tool for the young.”
Online ang lahat ng klase ng Minerva. Idinisenyo ang interactive platform upang himukin ang partisipasyon ng mga estudyante habang pinahihintulutan ang mga propesor na tawagan sila. Nagsisimula ng klase ang mga estudyante ng Minerva sa San Francisco at kalaunan ay magkaklase rin sa Berlin, Buenos Aires, Argentina, Taipei, Taiwan, at sa iba pang lugar sa mundo, patuloy na kumukuha ng mga online class at kinukumpleto ang mga hands-on assignment sa mga lokal na kumpanya at organisasyon.
Nagkakahalaga ito ng $29,000 (P1.4 milyon) kada taon para sa matrikula, bukod pa ang bayad sa tirahan, kumpara sa nasa $20,000 (P1 milyon) gastusin sa isang kilalang pamantasan at $63,000 (P3.16 milyon) naman sa Harvard—na nais kumpetisyunin ng Minerva. Ipinagmamalaki ng Minerva ang 1.9% na acceptance rate nito kumpara sa 5.2% ng Harvard. Ang nationwide average noong 2014 ay 66%, ayon sa National Association for College Admission Counseling. - Associated Press