Sinibak kahapon ang hepe ng Maddela Municipal Police matapos itong salakayin ng New People’s Army (NPA) nitong Sabado ng gabi.
Ipinag-utos ni Chief Supt. Eliseo Tam Rasco, director ng Police Regional Office (PRO)-2, ang pagsibak kay Chief Insp. Jun Balisi, hepe ng Maddela Municipal Police.
Pinalitan si Balisi ni Senior Insp. Reynaldo Gonzales, ang platoon commander ng 1st Manuever Platoon ng Quirino Public Safety Company.
Nauwi sa bakbakan ang nasabing pagsalakay sa himpilan ng Maddela Police nitong Sabado ng gabi at napatay si PO2 Jerome Cardenas, court processing officer.
Tinanggap naman ni Balisi ang pagkakasibak sa kanya bilang hepe ng sinalakay na presinto at inaming wala siya sa himpilan nang mangyari ang pagsalakay dahil nagkataong nagtungo siya sa Quirino Police Provincial Office nang araw na iyon. (Fer Taboy)