ni Tito S. Talao
CEBU CITY – Kaagad na nagalsa-balutan si national coach Chot Reyes matapos ang huling laro ng Gilas Pilipinas sa tune-up game ng PBA All-Stars nitong Linggo.
Nagmamadaling makabalik ng Maynila ang beteranong coach dahil sa katotohanan na marami siyang dapat ayusin sa Gilas Pilipinas bago sumalang ang National Team sa SEABA Championship sa susunod na linggo.
“There’s a lot of work to be done, especially on defense,” pahayag ni Reyes matapos maitarak ng Gilas ang 125-112 panalo laban sa Visayas All-Star nitong Linggo sa Hoops Dome sa Lapu-Lapu City.
Sa unang laro ng Gilas, ginapi nila ang Luzon All-Star sa Lucena City, 122-111, at nagtabla sa Mindanao selection sa Cagayan de Oro City, 114-all.
Sa kabila nito, nagawang makaiskor ng mga karibal ng mahigit sa 60 puntos sa first half.
“Lahat ng games we gave up 60 points in the first half. That’s a very alarming situation for us,” aniya.
Hindi lamang ang pagkakataon na nagawang makaiskor ng karibal ng 60 puntos sa Gilas sa unang 20 minuto ng laro, kundi ang katotohanan na naghahabol ang National team sa second half sa dalawa sa tatlong tune-up game.
Sa kabila nito, iginiit ni Reyes na hindi na kailangan ng Gilas ang panibagong tune-up game bago ang SEABA na nakatakda sa Mayo 12-18 sa Smart-Araneta Coliseum.
“Wala na munang tuneup. Masyado nang malapit (SEABA). This iis the first and the last time,” pahayag ni Reyes.
Nakatakdang makasama ng Gilas si naturalized Andray Blatche na inaasahang darating sa bansa mula sa Atlanta Lunes ng gabi, ngunit sinabi ni Reyes na hindi kailangang umasa ng todo sa pagbabalik nito.
“Blatche na lang ang missing piece. Pero sabi ko sa kanila, we can’t rely on Andray. We’re on our own dahil di naman kasi natin alam ang condition niya. Makaka-assimilate ba siya? Among themselves, we have to do that,” aniya.
Para kay Reyes, todong ensayo ang kailangan ng Gilas sa ngayon.
“Number two, yung offense. First half pa lang (against Visayas), 12 turnovers na kami. Hindi nagkaka-amuyan kasi ngayon pa lang nagkakasama,” pahayag ni Reyes.
“Galing kasi sa tryouts kaya lahat sila pasikatan,” aniya.
‘pero ngayonm din a ganoon. Now you’re part of the team. We should be able to understand each other’s tendencies and more importantly, our roles,” pahayag ni Reyes na may 10 araw pa para maisaayos ang porma ng Gilas.