Hindi ininda ng libu-libong manggagawa ang matinding init ng panahon kahapon at itinuloy pa rin ang pagsasagawa ng kilos-protesta sa iba’t ibang lugar sa Maynila, kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day.

Kabilang sa mga grupong nagdaos ng kilos-protesta ang Kilusang Mayo Uno (KMU), Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Association of Genuine Labor Organizations (AGLO), National Federation of Labor Unions (NAFLU), Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reform Federation (SUPER), Metro East Labor Federation (MELF), Sanlakas, Partido Lakas ng Masa (PLM), Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang-Lungsod, Democratic Alliance Movement of the Philippines International, Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), at Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) at iba pa.

Dakong 10:00 ng umaga nang nagtipun-tipon sa iba’t ibang lugar ang mga grupo ng manggagawa bago nagmartsa at nagsagawa ng programa sa Chino Roces Bridge sa Mendiola, Liwasang Bonifacio sa harap ng Manila Central Office, Plaza Miranda sa Quiapo, at US Embassy sa Roxas Boulevard.

CONTRACTUALIZATION

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hiling ng mga manggagawa na wakasan na ang “Endo” o end of contract (contractualization), at itaas sa P750 ang arawang suweldo ng mga manggagawa.

Ipinoprotesta rin ng mga ito ang Department Order 174 na ipinalabas ni Labor Secretary Silvestre Bello III, iginiit na wala itong ipinagkaiba sa mga direktiba ng mga nakalipas na administrasyon.

Hinimok naman ng grupong Bayan si Pangulong Duterte na gumawa ng socio-economic reforms upang matuldukan ang problema ng mga manggagawa habang ilang anti-Duterte group ang nagprotesta kontra sa extrajudicial killings at planong pagpapababa ng edad para sa criminal liability ng kabataan.

'LIMOS'

Inaasahan naman ng BMP na magiging “limos” lang ang ihahayag na “surprise” ng Pangulo sa Labor Day.

“Ang hakbang ng Palasyo na bigyan ng ‘regalo’ sa Araw ng Paggawa ang mga obrero ay hindi na bago. Sanay na kaming bigyan ng limos ng mga nagdaang pangulo,” ani Leody de Guzman, pangulo ng BMP, at iginiit na pinakamagandang regalo ang tuluyan nang ibasura ang contractualization.

Iginiit naman ng ilang grupo ang pagpapatalsik sa puwesto o pagbibitiw ni Labor Secretary Bello.

Isang grupo rin ng mga nagpapakilalang miyembro ng New People’s Army (NPA), at pawang nakatakip ang mga mukha, ang nagsagawa ng sarili nilang rally at nagmartsa sa Quiapo patungong Mendiola.

Wala namang kaguluhang naganap sa mga idinaos na rally na natapos nang matiwasay, bagamat nagdulot ito ng pagsisikip ng trapiko dahil inokupa ng mga raliyista ang ilang kalsada sa kanilang pagmamartsa.

May 3,000 pulis, kabilang ang 1,600 pulis-Maynila, ang ipinakalat sa lungsod para tiyakin ang seguridad at kaayusan sa mga kilos-protesta.

DIYALOGO KAY DIGONG

Sa Davao City, pinangunahan ng KMU ang 10,000 miyembro nito sa All Mindanao protest at delegasyon para sa Labor Day Dialogue kasama si Pangulong Duterte sa People’s Park sa siyudad.

Iginiit ni KMU Vice-Chairperson Lito Ustarez, kasama ang iba pang labor leaders, kay Pangulong Duterte ang Workers’ and People’s Concrete Demands para sa P750 arawang sahod, P16,000 buwanang minimum wage sa buong bansa, pagwawakas ng contractualization, libreng pabahay at lupaing sakahan, at iba pang pangunahing serbisyo.

Nagsagawa rin ng magkakasabay na parehong protesta ang libu-libo mula sa mga grupong manggagawa sa Baguio City, Clark, Laguna, Albay, Masbate, Tacloban, Cebu, Iloilo, Aklan, Bacolod, Cagayan De Oro, Butuan, Surigao City, at General Santos City. - Mary Ann Santiago, Chito Chavez at Bella Gamotea