IBA talaga ang orihinal na love team. Kaya kahit matagal na panahong hindi nagkasama o nagkatrabaho sina Gerald Anderson at Kim Chiu, damang-dama pa rin ang kilig scenes sa bagong teleseryeng Ikaw Lang Ang Iibigin na nagsimula nang umere kahapon ng umaga.
Habang nanonood ng special screening ng pilot week episode ng serye nitong nakaraang Linggo sa Trinoma Cinema 7, pawang positibo ang reaksiyon na naririnig namin sa aming likuran at harapan kapag magkasama sina Kim at Gerald.
Walang duda, nananatiling malakas ang chemistry ng Kimerald dahil sila pa rin ang bagay sa isa’t isa.
Maganda at maayos ang pagkakalatag ng kuwento at perfect ang kumbinasyon ng mga nagsiganap. Refreshing din ang mga show nina Dan Villegas at Onat Diaz lalo na ang mga kuha nila sa Zambales.
Tama lang ang build-up ng karakter nina Kim (Bianca) at Gerald (Gabriel) at kina Nico Manalo (Olsen), Jake Cuenca (Carlos) bukod kina Carla Humphries na si Bing Loyzaga nu’ng tumanda, si Bangs Garcia na naging si Ayen Munji-Laurel, Edgar Allan Guzman na naging Daniel Fernando naman, Alex Castro na si Dominic Ochoa pagtanda at si TJ Trinidad as Michael de Mesa.
Pinabata lang sina Dante Rivero bilang lolo ni Kim at Gina Pareño na lola naman ni Gerald.
Best friends sina Maila (Carla) at Victoria (Bangs) pero naging mahigpit na magkalaban sa Philippine Team for marathon na ipapadala sa ibang bansa. Nang manalo ang una, hindi matanggap ng huli kaya hinamon ni Bangs ang limang taon nang manliligaw niya na si Rigor (Edgar Allan) na gawan ng paraan para siya ang ipadala sa Singapore.
Atleta rin ng Philippine Team si Rigor na hindi nakapasa, pero dahil sa sobrang pagmamahal kay Bangs at umaasang sasagutin kapag nagawan ng paraan, kunwaring hinoldap niya si Maila at pinaghahampas ang binti na naging dahilan para hindi siya mapasama sa competition sa ibang bansa, kaya si Victoria ang ipinalit.
Ipinagtapat ni Rigor kay Victoria na siya ang pumilay kay Maila na ikinagulat pero ikinatuwa pa rin naman ni Maila.
Nang ipadala at manalo si Victoria ng inaasam-asam na medalyang ginto sa SEA Games ay humingi na ng kabayaran si Rigor sa “my labs’ niya. Hindi pumayag noong una ang dalaga, pero tinakot siya na ibubuking ng binata na ibubuking ang lahat, kaya pinagbigyan niya ang kagustuhan nito.
Nabuntis si Victoria ni Rigor na tuwang-tuwang magiging tatay na, pero ayaw ng dalaga dahil maaapektuhan ang career niya. Si Gabriel (Gerald) ang naging anak nila pero hindi naman nito nagisnan ang ama’t ina dahil ang kanyang Lola Lydia (Gina) ang nagpalaki sa kanya sa Zambales.
Ang kuwento ni Lola Lydia sa apo, isang araw ay dumating ang anak nitong si Rigor na may dalang sanggol, sinabing anak niya, pero hindi binanggit kung sino ang ina at umalis din kaagad.
Unang nagkita ang mga batang Gabriel at Bianca sa baybayin ng Zambales noong bagong lipat doon ang pamilya ng huli.
Naging magkaibigan at nagkapalagayan ng loob sina Gab at Bianca pero hindi nila inaamin sa isa’t isa.
Namana ni Bianca ang hilig ng ina sa pagtakbo at nangarap din ng gintong medalya kaya si Maila ang nagsilbing coach ng anak na napasama rin sa Philippine Team.
Pero biglang umatras si Bianca sa Philippine Team nang maaksidente at ma-comatose ang ama lalo’t hindi sapat ang allowance na natatanggap niya kaya kailangan niyang magtrabaho.
Kinailangang dalhin sa ospital sa Maynila si Dominic kaya napilitang lumipat uli ng bahay ang pamilya ni Bianca, kaya nagkahiwalay na sila ni Gabriel. Ang kanilang alaala sa isa’t isa ay ang payong na ginagamit nila noong mga bata pa sila kapag inaabutan sila ng ulan.
Samantala, lumaking may galit sa dibdib si Carlos/Jake na hindi mararamdaman ang pagmamahal amang si Roman (Michael de Mesa) na laging abala sa mga negosyo. Kapag nagkikita sila sa bahay, parati siyang pinagagalitan.
Ang inang si Maila/Ayen ang tanging gumagabay sa kanya na kalaunan ay nabunyag na hindi naman pala niya tunay na ina dahil anak siya ng ama sa kabit nito.
Pero labis na minahal ni Maila si Carlos dahil naaalala niya ang kanyang anak na si Gabriel na nawalay sa kanya.
Nang lumaki, hiningi ni Carlos sa ama ang Tiger Shark, isa sa mga negosyo nila na balak nang isara dahil nalulugi.
Nangako siyang palalaguin ito kaya naghanap siya ng malakas na endorser na mamahalin ng masa, at si Bianca/Kim iyon.
Sinanay ni Carlos si Bianca para sumali sa triathlon na gaganapin sa Zambales, dito ulit sila nagkita ni Gabriel.
Maganda ang kuwento ng bawat karakter at may kanya-kanyang highlight, kaya tiyak na tututukan ito ng televiewers.
Walang duda, muling lalakas ang time slot na dating sumikat dahil sa Be Careful With My Heart at Ningning.
Palakpakan ang lahat pagkatapos mapanood ang isang linggong episode ng Ikaw Lang Ang Iibigin.
Napangiti ang Business Unit Head ng Dreamscape Entertainment na si Deo Endrinal nang batiin namin kahit tiyak na malaki ang ang gastos sa production dahil ang daming rain effects at aerial shots. Wala pa ‘yung big scene na may competition na.
Aniya, bagay sa morning slot ang Kimerald dahil tiyak na marami ang makakapanood.
Binabati namin ang lahat ng bumubuo ng Ikaw Lang Ang Iibigin na natitiyak naming sure hit na. Sabi nga, uwian na, may nanalo na!
Nakakatuwa rin na muli naming nasilayan ang grupo-grupong supporters ng Kimerald na may mga dala-dalang streamer at panay ang hiyawan.
Mantaking halos mag-iisang dekada na simula nang mabuwag ang Kimerald love team, hanggang ngayon buung-buo pa rin ang suporta ng fans nila. (REGGEE BONOAN)