GIGAQUIT, Surigao del Norte – Pinalaya na ng New People’s Army (NPA) nitong Sabado ng hapon ang miyembro ng Philippine Army na tatlong buwan nitong binihag sa Surigao del Norte.

Dakong 3:00 ng hapon nang palayain si Private First Class Erwin R. Salan, ng 30th Infantry Battallion (30th IB) ng Army, sa Purok 1, Barangay Caman-an, Gigaquit, Surigao del Norte.

Bago ang turn-over, sumailalim muna sa medical checkup si Salan at natuklasang maayos ang kanyang kalusugan.

Tinanggap si Salan ng third-party facilitator, sa pangunguna ni Bishop Rey Timbang at ng mga opisyal ng pamahalaang panglalawigan mula sa Guerilla-Front Committee 16 ng NPA Northeastern Mindanao Regional Committee.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sinabi ni “Ka Oto”, tagapagsalita ng Guerilla-Front Committee 16, na pinalaya ng kilusan si Salan bilang suporta sa pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines-National Democratic-Front (CPP-NDF)-NPA.

Emosyonal namang sinalubong si Salan ng kanyang pamilya.

Sa maikling pahayag, nagpasalamat si Salan sa local crisis management committee, sa mga lokal na opisyal, sa grupong relihiyoso at sa lahat ng tumulong upang ligtas siyang mapalaya ng NPA.

Sinabi rin ni Salan na maayos ang naging pagtrato sa kanya ng NPA at sabik na siyang magbalik-trabaho sa 30th IB.

Enero 29, 2017 nang dukutin si Salan ng nasa 15 armadong rebelde habang nagsasagawa ng forest clean-up drive kasama ng kabataang volunteers sa Lumondo Falls, sa Barangay Budlingin, Alegria, Surigao del Norte. - Mike U. Crismundo