LIMA sa sampung Pilipino ang aminadong sila ay mahirap, batay sa huling survey ng Social Weather Station (SWS) nitong unang bahagi ng 2017 na inilabas kahapon. Isinagawa noong Marso 25-28, natukoy sa survey na 50 porsiyento ng mga Pinoy adult, na kumakatawan sa 11.5 milyong pamilya, ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap. Ang nasabing bilang, ayon sa SWS, ay mas mataas ng anim na puntos kumpara sa 44% o nasa 10 milyong pamilya na umaming mahirap noong Disyembre 2016.
Dapat paigtingin ng gobyerno ang pagpapaunlad ng ekonomiya at pagtulong sa mamamayan, sabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella bilang reaksyon sa naging bunga ng survey. Paano kaya gagawin ito ng gobyerno kung ang prayoridad ni Pangulong Digong ay pagsugpo sa krimen at ilegal na droga? Totoo, napatahimik niya ang sitwasyon sa bansa at malaki ang ibinawas ng mga krimeng gawa ng mga lango sa droga. Kaya, nananatili pa ring mataas ang pananalig sa kanya ng mamamayan sa kabila ng libu-libong napatay ng kanyang kampanya laban sa droga.
Pero, pansamantala lamang ang tinatamasang katiwasayan ng lipunan. Hindi na rin ligtas ang mga kalye sa mga kumukuha ng pagkakataon para gumawa ng krimen. Dumarami na ang pagpatay na istilong vigilante. Hindi natin alam kung ang pagpatay ay pagtulong sa mga alagad ng batas sa misyon nilang masugpo ang ilegal na droga o ginagawa na ito ng mga binabayaran. Pero, ano man ang mga ito, hindi maiaalis na darami ang “gun-for-hire” sa kasalukuyang kondisyon.
Paano naman kasi, lumala na ang kahirapan at kagutuman. Kung gaano sana kaagresibo ang Pangulo sa pagsugpo sa krimen at ilegal na droga, ganito rin sana siya sa sistemang pang-ekonomiya na nagpapahirap sa bayan. Tama iyong ipinatigil niya ang importasyon ng bigas, sana pati sibuyas, prutas at iba pa na inaani na sa ating bansa. Ang gawing libre ang irigasyon at iba pang gastusin upang mapagaan ang buhay ng magsasaka. Pero, ang mga ito at iba pang pamamaraan upang maging matibay na sandigan ng ekonomiya ng bansa ang agrikultura, ay bahagi lang ng tunay na reporma sa lupa.
Dapat ding patulong siya sa mga kaalyado niyang mambabatas upang magpasa ng batas na ibinabasura ang Oil Deregulation Law. Kailangan, ibalik ang dating kontrol ng gobyerno sa industriya ng langis, tubig at elektrisidad. Mananatiling mahirap ang nakararaming mamamayan kung ang gobyerno ay malilimitahan sa pagbibigay ng pangunahing serbisyo. Balewala ang ano mang hakbang na naumpisahan na at gagawin pa upang maging tahimik at matiwasay ang bansa. (Ric Valmonte)