ZAMBOANGA CITY – Ilulunsad ngayong Lunes ng Zamboanga City Reformatory Center (ZCRC) ang isang programa para sa mga bilanggong hindi na nadadalaw ng kanilang mga kamag-anak sa nakalipas na maraming taon.

Sinabi ni ZCRC Warden Ervin Diaz na puntirya ng programang Oplan Toktok Dalaw or “Toklaw” ang mga kaanak ng mga bilanggo na ilang taon nang hindi nakakabisita sa mga kamag-anak nilang nakapiit sa ZCRC habang nililitis ang mga kaso.

Nasa 178 nakapiit sa ZCRC ang tinukoy na “no visitors” sa nakalipas na mga taon. Mayroong 2,460 o 67 posiyento sa mga nakakulong sa center ang nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

“We pity them (inmates). Since their relatives seem to have forget them already. So we want to remind their relatives also to visit them at the center,” sabi ni Diaz.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Aniya, bumuo ang ZCRC ng grupo ng mga opisyal ng barangay, jail officer, miyembro ng akademya at media na bibisita sa bahay ng mga bilanggo at makikiusap sa mga itong dalawin ang mga nakapiit na kaanak kahit paminsan-minsan lang.

Kabilang sa mga unang bibisitahin sa Oplan Toklaw sa siyudad ang Barangay Sta. Catalina, gayundin ang mga komunidad ng Muslim na Barangays Mariki at Recodo.

“We wanted to let them meet with each other and to get closer again as this could also help in the reform agenda of the center for the inmates,” paliwanag ni Diaz.

“We wanted them to reform and this program is aimed at reminding them that they are still important in our society and with their family,” dagdag niya. -Nonoy E. Lacson