UNANG araw ngayon ng Mayo. Buwan ng mga bulaklak at kapistahan sa iba’t ibang bayan at barangay sa mga lalawigan. Panahon ng pag-ahon ng ating mga kababayan sa Antipolo, Rizal. Sinimulan ang pag-ahon sa Antipolo (ALAY-LAKAD) noong gabi ng Abril 30 hanggang kaninang (Mayo 1) madaling araw. Tumupad ng panata at debosyon sa Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay na nakadambana sa katedral ng Antipolo. Panahon din ito ng pagtungo ng ating mga kababayan sa iba’t ibang shrine o dambana ng Mahal na Birhen sa mga lalawigan.
Sa liturgical calendar ng Simbahan, ang Mayo 1 ay pagdiriwang ng kapistahan ni San Jose—ang butihing esposo ng Mahal na Birheng Maria at patron saint ng mga manggagawa. Ang Pista ni San Jose ay itinakda ni Pope Pius XII bilang pagpapahalaga sa mga manggagawa. At itugma sa diwa ng Aral ni Kristo— ang kapakanan ng mga manggagawa.
Katulad sa ibang mga bansa sa daigdig, ipinagdiriwang ngayon sa iniibig nating Pilipinas ang “International Labor Day” o Araw ng mga Manggagawa—ang sektor ng ating lipunan na kabalikat sa pag-unlad ng bansa ngunit patuloy pa ring kulang sa tangkilik at kalinga. Laging naaapi sat nananatiling pinakamahirap sa Silangang Asia. At ngayong Mayo 1, habang ang pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Labor and Employment (DoLE), ay nagsasagawa ng mga job fair, magsasagawa naman ng mga rally at kilos-protesta ang iba’t ibang samahan ng mga manggagawa tulad ng Kilusang Mayo Uno, Partido ng mga Manggagawang Pilipino at Bayan Muna.
Ilalantad ang kanilang mga karaingan at dinaranas na pang-aapi. Madidilat na mababasa ito sa malalaking streamer at sa madidilat ding mga kulay dugong titik sa mga placard. Sa kanilang programa, muling babatikusin ang kawalang tangkilik ng pamahalaan sa kapakanan ng mga manggagawa. Ang hindi nasusunod na minimum wage law na ginagawa ng maraming tuso, ganid at sakim na kapitalista, kabilang na rito ang mga Koreano na nadagdag na bagong mang-aapi sa mga manggagawang Pilipino.
Sa nakalipas na panahon sa ilalim ng iba’t ibang rehimen at maging sa kasalukuyang administrasyon, ang sektor ng paggawa ay lagi nang dumaranas ng... kaapihan kahit dito sa Pilipinas matatagpuan ang pinakamagaling na batas sa larangan ng paggawa—ang Labor Code na ginawang huwaran ng mga umunlad na bansa. Alam ito ng DoLE ngunit ang batas ay hindi maipatutupad. Biktima ng inhustisya ang mga manggagawa.
Maging ang contractualization at end of contract workers na parusa sa mga manggagawa ay hindi pa rin masugpo hanggang ngayon. Ipinangako noong nakaraang kampanya na tutuldukan ni Pangulong Duterte ngunit hindi natupad. Bahag ang buntot kumbaga sa aso, ang labor secretary sa mga kapitalista at maimpluwensiyang negosyante.
Napapanahon na mabatid ng ating mga kababayan ang tulang BAYANI ng dating labor leader at National Artist na si Ka Amado Hernandez tungkol sa mga manggagawa.
“Ako’y hari, ngunit haring walang putong,/ Panginoon akong namamanginoon/ Binigyan ng yaman si Ganito at si Gayon,/Ako rin ang siyang laging patay-gutom; / Sila ay sa aking balikat tumuntong, Nagsitaas habang ako’y nababaon”. Sa wakas, dapat ngang ngayo’y mabandila,/ Ang karapatan kong laong iniluha,/Ang aking katwiran ay bigyan ng laya,/ ako ma’y anak din ng isang Bathala,/At bayaning higit sa lalong dakila.../Taong walang saysay ang di-manggagawa’. (Clemen Bautista)