NGAYON, Mayo 1, ay Araw ng Manggagawa. Haharapin ni Pangulong Duterte sa Davao City ang delegasyon ng mga manggagawa na magpiprisinta ng kanilang mga petisyon at panukala para sa kapakanan ng mga obrero sa bansa. Malaki ang inaasahan ng mga manggagawa dahil ito ang unang Araw ng Manggagawa sa administrasyon ni Pangulong Duterte, na nakauunawa, higit sa sino pa mang opisyal, sa kasalukuyang sitwasyon ng mga obrero sa bansa.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, humiling ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), ang pinakamalaking grupo ng manggagawa sa bansa, ng P157 dagdag sa arawang sahod ng mga kumikita ng minimum. Kailangan muna itong pag-aralan kung kakayanin ng mga employer sa bansa, ayon sa kalihim.
May mungkahi rin ang TUCP sa Pangulo — P500 subsidiya para sa mga kumikita ng minimum upang maipandagdag sa pambili ng pagkain, na posibleng ipagkaloob hanggang sa 2022. Manggagaling ito sa gobyerno — gaya ng buwanang ayuda ng Pantawid para sa mahihirap na pamilya sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development.
Ang panukalang P157 umento, na kakailanganin ng isang batas na pagtitibayin ng Kongreso, ay umani na ng oposisyon. Sinabi ng isang opisyal ng Department of Budget and Management na ang anumang dagdag-suweldo ay magpapalala lamang sa kakulangan ng trabaho sa bansa. Nanawagan naman ng pagbusisi ang Employers Confederation of the Philippines sa kabuuang lagay ng ekonomiya — ang consumer price index, pangunahing bilihin, inflation, at iba pa.
Nariyan din ang usapin sa contractualization. Nagpalabas na ang Department of Labor and Employment (DoLE) ng bagong direktiba na nagbago sa mga panuntunan sa pag-eempleyong contractual, ngunit iginiit ng mga grupo ng manggagagawa, partikular ang Associated Labor Union (ALU), na ang bagong polisiya ay mas malala pa kaysa dati.
Bilang bahagi ng selebrasyon ngayong araw, inihayag ng DoLE na magsasagawa ito ng 56 na job fair sa iba’t ibang dako ng bansa para mag-alok ng kabuuang 201,811 trabahong lokal at sa ibang bansa. Naiintindihan ng DoLE na may seryosong problema sa job mismatch sa bansa ngayon, ngunit libu-libong walang trabaho sa bansa, na madadagdagan pa ng mga bagong nagtapos sa kolehiyo ngayong taon, ang dapat na makahanap ng trabaho sa mga job fair ng DoLE ngayong araw.
Gayunman, umaasa ang mga pinuno ng mga grupo ng manggagawa kay Pangulong Duterte, na makahaharap nila sa pagtitipon para sa Araw ng Manggagawa sa People’s Park sa Davao City. Kilala siya sa mga nakagugulat at hindi inaasahang pahayag sa maraming iba pang usapin na mahalaga sa bayan. Marahil may espesyal siyang inihanda para sa mga manggagawa ngayong araw.