Sinulat at mga larawang kuha ni LYKA MANALO
HALO-HALO ang isa sa mga paboritong kainin tuwing tag-init, kaya maraming maliliit na negosyante ang nagtitinda nito para kumita pagsapit ng ganitong panahon.Ang tag-init ay nagsisimulang maramdaman kung Marso hanggang unti-unti nang pumapatak ang ulan sa Mayo.
Sa mga buwan na ito patok ang negosyong halo-halo ni Reynaldo Laylo, Jr. o mas kilala bilang Mang Jhun sa palengke ng Padre Garcia, Batangas.
Kung plano mong mag-enjoy sa mga beach resort sa Laiya, San Juan, madadaanan mo ang puwesto ni Mang Jhun, at kung gustong magpalamig muna, tikman ang kanilang dinadayong espesyal na halo-halo.
Maaga pa lamang ay naghahanda na si Mang Jhun, 48 anyos, at ang asawa niyang si Aling Ana, 46, ng mga panlahok na bumubuo ng kanilang espesyal na halo-halo.
Binabalik-balikan ang halo-halo ni Mang Jhun dahil bukod sa mga lahok na ube, mais, kamote, at leche flan ay katangi-tangi rin ang linamnam ng espesyal na minatamis na saging.
Biro nga ni Mang Jhun, “’Pag natikman ninyo ‘yung saging, makakalimutan na ninyo ang lahat.”
Sa halagang P30, sulit na ang ibinayad mo sa rami ng mga lahok at kung mahilig ka sa gatas, magdadagdag ka lamang ng sampung piso.
Umaabot sa libong baso lang naman ng halo-halo ang nauubos sa maghapon sa kanilang puwesto sa palengke, bukod pa ang mga order mula sa iba’t ibang lugar.
Nakakaubos sila sa maghapon ng mahigit 2,500 saging, 100 kilo ng kamote at tatlong malaking tulyasi ng ube.
Marami na ring mga artista at basketball players na dumaan sa kanilang puwesto na nakatikim ng kanilang pamosong halo-halo.
Taong 1998 nang makaisip at magsimulang magtinda ng halo-halo si Mang Jhun. Mula sa pagiging factory worker nilang mag-asawa sa Maynila, naisipan nilang umuwi sa Padre Garcia para magnegosyo ng mga kakanin.
Kuwento ni Mang Jhun, hindi sapat ang kanilang kinikita sa Maynila para sa mga gastusin ng kanilang pamilya mula sa upa ng bahay, pagkain sa araw-araw, pambayad sa tagapag-alaga ng mga bata, at maraming iba pa.Hindi naging madali ang pagpasok nilang mag-asawa sa pagnenegosyo. Nagtinda muna sila ng mga kakanin bago naisipang maghalo-halo, mula sa pattern na sinundan ni Mang Jhun sa kanyang tiyahin na ngayon ay namayapa na.
Noong mga unang taon ay hindi tumigil si Mang Jhun ng pag-aaral sa tamang timpla ng mga lahok hanggang sa maging perpekto ang lasa na nagustuhan ng mga tao.
“Araw-araw pinag-aaralan ko kung ano’ng maganda, kung ano ‘yung pinakadabest na ingredients ‘yung tamang combination na kapag tinikman mo, kailangan ‘yung lasang babalik,” kuwento ni Mang Jhun.
Hindi tumigil sina Mang Jhun at Aling Ana sa kanilang negosyo kahit pa dumarating sa punto na wala silang benta, lalo na kapag panahon ng tag-ulan o may bagyo.
Sa ikalimang taon ng kanilang pagtitiyaga nagsimulang kumita ng maganda ang kanilang halo-halo business at unti-unti na itong nakilala.
Naging doble pa ang dami ng kanilang mga kostumer nang maipalabas sila sa isang local television station at simula rin noon ay pinuntahan na sila ng iba’t ibang ahensiya tulad ng tourism office at mga estudyanteng gumagawa ng projects tungkol sa kanilang produkto.
“Ito na ang bumuhay sa amin, dahil sa negosyong ito napagtapos ko ng pag-aaral sa kolehiyo ang aking dalawang anak,” pagmamalaki ni Mang Jhun.
Nakabili rin sila ng sariling bahay at dalawang sasakyan dahil sa tiyaga at determinasyon sa pagnenegosyo.
Pinag-iipunan nila ang pangarap ni Mang Jhun na mas malaking puwesto sa highway, pero hindi pa rin niya bibitiwan ang puwesto sa palengke.
Mula sa P3,000 puhunan halos 19 na taon ang nakalilipas, malaki na rin ang kanilang kinita kaya lubos ang kanyang pasasalamat.
“Mahalin mo ‘yung nagbibigay sa ‘yo ng biyaya, kasi ‘pag minamahal mo ‘yan mas malaking biyaya ang ibibigay,” pagbubunyag ni Mang Jhun sa kanyang pormula ng tagumpay.
Ngayong tapos na ng kolehiyo ang kanyang mga anak ay tumutulong na lamang si Mang Jhun sa pag-aaral ng kanyang ibang mga pamangkin at tinuruan din niya ang mga kapatid na magtinda ng halo-halo kapag summer. Nagtitinda na rin ang mga ito sa Rosario, Tiaong, at San Antonio, Quezon.
Nakakapagbigay din siya ng trabaho sa mga kamag-anak at kapitbahay na tumutulong sa kanyang negosyo at nagsisilbi ring part-time job sa mga estudyante.
Ang kanyang payo sa mga nagsisimula pa lamang sa negosyo ay iwasan ang paggastos ng malaki kaysa kinikita.
Aniya, kung maayos ang paghawak ng pera at tama lamang ang paggastos ay hindi na kailangang mangutang. Ibina-budget na nila ang mga gastusin sa loob ng isang taon kasama na ang tuition fee ng mga bata at pinag-iipunan muna ang mga bagay na gustong bilhin.
“Para kaming langgam, nag-iipon kapag panahon ng tag-init para kapag dumating ang tag-ulan ay may madudukot kami sa bulsa,” makahulugang wika ni Mang Jhun.