Kung si Pangulong Rodrigo Duterte ang papipiliin, hindi na muling magho-host ang Pilipinas ng summit matapos ang abalang schedule niya sa idinaos na regional assembly sa Maynila.
Nagbiro ang Pangulo na kanselahin na lang ang susunod na bahagi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at iba pang pagpupulong sa Nobyembre nang humarap siyang pagod na pagod sa isang press conference noong Sabado ng gabi.
“Anak ka ng… Kung ganito lang naman ang mga summit, kanselado na ‘yung sa November. Totoo. Pareho naman. Wala naman nagbago,” pagbibiro ng Pangulo sa kasagsagan ng forum upang ipaalam ang resulta ng ASEAN leaders’ summit sa Philippine International Convention Center.
“Puwede na siguro. We can do away ‘yung sa November. Iyong Foreign Affairs, si, sa… Sir, huwag ka na mag-summit-summit dito,” pahayag ng 72-anyos na Pangulo na tinawanan ng mga nakikinig.
Bilang chairman ng ASEAN, muling magiging punong abala ang Pilipinas ng isa pang bahagi ng summit meetings, na dadaluhan ng Amerika, China, Russia at iba pang dialogue partners, sa Nobyembre.
Lalo pang pinatawa ni Duterte ang mga tagapakinig sa kanyang mga one-liner at biro tungkol sa dami ng kanyang talumpati sa loob ng isang araw.
“I do not mean to be discourteous but I think this would be the 8th speech that I delivered today,” aniya. “I’m trying to save my strength of the mouth because I might not be able to chew my food.” - Genalyn D. Kabiling