Nina MARY ANN SANTIAGO, JUN FABON, FER TABOY, FRANCIS WAKEFIELD at BELLA GAMOTEA

Duda ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pag-ako ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa responsibilidad sa pambobomba sa isang peryahan sa Quiapo, Maynila noong Biyernes, na ikinasugat ng 14 na katao.

Ayon kay NCRPO Director Chief Supt. Oscar Albayalde, marami nang insidente ng pambobomba ang inako ng ISIS kahit hindi sila ang may kagagawan sa pagnanais na makilala, manakot at makakuha ng atensiyon.

Nitong Sabado ay ipinahayag ng ISIS na sila ang nasa likod ng pagpapasabog ng isang homemade pipe bomb sa isang peryahan sa Quiapo. Taliwas ito sa pahayag ng pulisya na may kinalaman ito sa gang war.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Maraming insidente na po na ganyan ang ginagawa ng ISIS, na they claim responsibility doon sa mga ibang insidente all over the world para lang sila ma-recognize at makakuha ng atensiyon.”

Giit pa niya, walang na-monitor na presensiya ng ISIS sa Metro Manila at pinanindigang gang war ang pinag-ugatan ng insidente.

“We stand firm sa ating imbestigasiyon, base po sa ebidensiya at statement na nakuha ng ating imbestigador at ng Manila Police District (MPD) na talagang iyon ay bunsod ng away ng dalawang grupo,” aniya pa.

WALANG EBIDENSIYA

Walang sapat na ebidensiya na makapagpapatunay na ISIS ang nasa likod ng pambobomba, ayon kay Albayalde.

“Unless mayroon silang maipakita na sila ang may gawa, hindi po natin puwedeng paniwalaan iyon,” aniya.

PROPAGANDA LANG

Propaganda lang.

Ito ang reaksiyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pag-ako ng ISIS sa Quiapo blast.

Sa isang kalatas, sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na pagdating sa ISIS, hindi katotohanan ang mahalaga.

“Let us not dignify such pronouncements! The group will claim anything that serves their purpose,” sambit ni Padilla.

“We put (ang situwasyon) under the law enforcement operations for the time being,” dagdag niya.

TESTIMONYA NG MGA TESTIGO, PAGBABATAYAN

Sa ngayon, ayon kay Albayalde, ang hawak na ebidensiya ng NCRPO ay ang mga testimonya ng mga testigo at “physical evidence” na narekober sa pinangyarihan.

“There is nothing to indicate or show that the Quiapo explosion is connected with any terrorist or threat group,” dugtong niya.