Sabik na ang libu-libong manggagawa na mapakinggan ang unang mensahe ni Pangulong Duterte para sa Labor Day, na ayon sa Department of Labor and Employment (DoLE) ay tatampukan ng “surprise” na regalo para sa mga obrero, sa Davao City ngayong hapon.
Inilatag noong nakaraang linggo ng mga grupo ng manggagawa ang kanilang wish list sa Presidente at inaasahan nilang tutugunan na ito ni Duterte ngayong Labor Day.
Nangunguna sa wish list ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), miyembro ng Nagkaisa labor coalition, at ng Kilusang Mayo Uno (KMU), ang umento sa sahod at cash subsidy.
Hiniling ng mga grupong manggagawa ang pagbibigay-tuldok sa contractualization at pagpapabuti ng serbisyo sa mga manggagawa, gayundin ang pagratipika sa International Labor Organization (ILO) Convention 151, na magbibigay ng kapangyarihan sa mga kawani ng pamahalaan upang magsama-sama.
Sinabi ng KMU at Nagkaisa na dadalo sila sa pulong na itinakda kasama si Duterte sa People’s Park ng Davao City ngayong hapon, sa paglalahad ng Pangulo ng mensahe nito para sa Labor Day.
“Interesado na talaga kaming malaman kung ano ang regalo ng Presidente sa mga manggagawa,” sabi ni Nagkaisa Chairman Michael Medonza.
Bukod dito, magpapakalat ang Nagkaisa at KMU ng 10,000 at 30,000 miyembro nito, ayon sa pagkakasunod, sa Metro Manila ngayong umaga upang igiit sa Pangulo ang mga kahilingan ng sektor ng paggawa.
Gayunman, ilang labor group, gaya ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), ang nagpahayag na hindi sila dadalo sa diyalogo ni Duterte dahil naniniwala silang walang mabuting maihahayag ang Presidente para sa mga manggagawa ngayong Labor Day.
Sinabi noong nakaraang linggo ni DoLE Secretary Silvestre Bello III na posibleng maghayag si Duterte ng karagdagang benepisyo para sa mga manggagawa ngayong Lunes. - Samuel P. Medenilla