Nina GENALYN D. KABILING at BETH CAMIA

Mangyayari na ang inaabangang pagkikita ng dalawang kontrobersiyal na lider ng mundo.

Inimbitahan ni United States President Donald Trump si Pangulong Rodrigo Duterte na bumisita sa White House upang isulong ang alyansa ng dalawang bansa.

Ipinaabot ni Trump ang imbitasyon kay Duterte nang mag-usap sila sa telepono para talakayin ang nuclear conflict sa North Korea, ang nakatakda niyang pagbisita sa Manila sa Nobyembre at ang kampanya ng gobyerno ng Pilipinas laban sa ilegal na droga, ayon sa pahayag ng White House.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Tumawag si Trump kay Duterte nitong Sabado ng gabi sa sidelines ng Association Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders’ Summit na ginaganap sa Manila.

“President Trump also invited President Duterte to the White House to discuss the importance of the United States-Philippines alliance, which is now heading in a very positive direction,” saad sa pahayag ng Office of the US Press Secretary.

“President Trump enjoyed the conversation and said that he is looking forward to visiting the Philippines in November to participate in the East Asia Summit and the US-ASEAN summit,” dagdag pa.

Tinalakay din ng dalawang lider ‘’the fact that the Philippine government is fighting very hard to rid its country of drugs, a scourge that affects many countries throughout the world.’’

Magiging punong-abala ang Pilipinas sa EAS sa Nobyembre bilang bahagi ng 10-miyembrong ASEAN. Kabilang sa mga miyembro ng EAS ang Australia, China, India, Japan, New Zealand, Republic of Korea, United States at Russia.

Hindi binanggit ng White House kung kailan magaganap ang pagpupulong ng dalawang lider sa Washington, DC.

Kinumpirma ng Malacañang ang imbitasyon ng White House ngunit hindi pa inihahayag kung pamayag si Duterte na bumisita sa US.

Samantala, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na muling pinagtibay ng lider ng US ang alyansa ng Pilipjnas at Amerika. Nagpahayag diumano si Trump ng interes “in developing a warm, working relationship with President Duterte.”

“The discussion that transpired between the presidents was warm, with President Trump expressing his understanding and appreciation of the challenges facing the Philippine President, especially on the matter of dangerous drugs,” sabi ni Abella.

Ilang oras bago tumawag si Trump, nagpayo si Duterte sa kanyang American counterpart na iwasang lumala ang girian sa North Korea na labis na makaaapekto sa Asia.