KUNG sa Kamara na “rubber stamp” daw ng Malacañang ay pasado na ang Death Penalty Bill (DPB) o parusang kamatayan, sa Senado na higit na malayang sangay ng kapulungan ay “patay” na raw ito o kaya naman ay magdaraan sa butas ng karayom. Nangako si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na apat hanggang limang death convict ang ipabibitay niya araw-araw kapag ang DPB ay naging isang ganap na batas.
May apat na pamamaraan ng pagbitay sa bilanggo: Electric chair, lethal injection, firing squad, at bigti. Kung si Mano Digong ang masusunod, nais niyang bigtihin ang death convict at ipakita sa publiko upang hindi pamarisan. Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, 13 senador ang salungat sa restorasyon ng parusang kamatayan, anim mula sa Minority group at pito sa Majority bloc.
Kabilang sa kontra-DPB sina Drilon, Sens. Francis Pangilinan, Leila de Lima, Bam Aquino, Antonio Trillanes, Risa Hontiveros at Ralph Recto. Samantala, ang pro-death penalty bloc ay sina Sens. Manny Pacquiao, Vicente Sotto, Joseph Victor Ejercito, Sherwin Gatchalian, at Cynthia Villar. May kuwestiyon pa kung si De Lima ay papayagan ng korte na makaboto at dumalo sa sesyon ng Senado. Sabi ni Drilon, dapat tulungan ni Sen. Pres. Koko Pimental na makalabas sa bilangguan si De Lima tulad ng pagpapalabas sa kulungan nina ex-Sen. Jinggoy Estrada para dumalo sa ika-80 kaarawan ni Manila Mayor Joseph Estrada, at Sen. Bong Revilla para dalawin ang may sakit na ama sa ospital.
Maraming Pilipino ang pabor sa pagbabalik ng parusang kamatayan. Isa raw itong hadlang upang matakot ang mga kriminal. Sa China, Singapore, Indonesia, Malaysia at iba pang mga bansa, ipinapataw ang death penalty sa heinous crimes, lalo na sa kaso ng illegal drugs. May mga Pilipino nang nabitay dahil sa illegal drugs tulad ng pagiging drug courier. Sa Saudi Arabia, pagpugot ang parusa.
Kailangan daw na talagang maipasa ang DPB dahil ginagawang “sanctuary” ng drug lords at drug cartels ang Pilipinas sa kanilang ilegal na gawain sapagkat alam nilang hindi naman sila parurusahan ng kamatayan, gaya sa China, Singapore at iba pang mga bansa.
Isinusulong ni Vice Pres. Leni Robredo ang responsableng paggamit ng malayang pamamahayag (freedom of expression). Ayon sa kanya, nakababahala ngayon ang pagkalat ng “fake news and misinformation online” na ang layunin ay wasakin ang reputasyon at dangal ng isang tao o krtiko. Siya raw mismo ay biktima ng “online attacks” na kagagawan ng mga troll at bot. By the way, ano ba ang trolls at bots. Tingnan sa Wikipedia.
Sa social media, sinisiraan si VP Leni ng trolls at bots dahil sa pagiging kritiko ng Duterte administration at kalaban sa protesta-elektoral ni ex-Sen. Bongbong Marcos. “Tayo kasi parati tayo doon sa freedom of expression. Dapat minimum ang intervention ng State pagdating doon. Ang pinakamahirap lang sa freedom of expression ngayon, marami na ang social media kung kaya nagiging magulo.”
Kabilang sa paninira kay beautiful VP Leni ay siya raw ay buntis; pagsasangkot sa planong pagpapatalsik kay PRRD; ikinasal na siya sa ibang lalaki bago niya napangasawa si ex-DILG Sec. Jesse Robredo. Iniuugnay rin siya sa isang bigotilyong kongresista sa Metro Manila.
Nakikiusap ang pamilya ni convicted drug courier Mary Jane Veloso kay Mano Digong na kapag nakausap niya si Indonesian Pres. Joko Widodo, patawarin na ito at iligtas sa kamatayan. Abangan natin kung ano ang magiging desisyon ng Pangulo. Alam nating galit siya sa illegal drugs, at sa katunayan nga, mahigit na umano sa 8,000 suspected drug pushers at users ang napapatay ng Oplan Tokhang gayong pinaghihinalaan pa lamang. Itong kaso ni Veloso, siya ay nahatulan na bilang drug courier ng hukuman sa Indonesia. (Bert de Guzman)