LOS ANGELES (AP) — Nauwi sa dominasyon ang inaasahang dikitang duwelo ng Los Angeles at Utah sa do-or-die Game 7 nang pabagsakin ng Jazz ang Clippers, 104-91, nitong Linggo (Lunes sa Manila) para makausad sa conference semifinal laban sa Golden State Warriors.
Hataw si Gordon Hayward sa naiskor na 26 puntos para pangunahan ang Jazz sa magaan na panalo at angkinin ang pagkakataon na silatin ang Warriors tangan ang 4-3 bentahe sa kanilang first round series.Naunang umabante ang Warriors ng walisin ang Portland TrailBlazers, 4-0.
Nag-ambag sina George Hill at Derrick Favors ng tig-17 puntos para sa unang panalo ng Utah sa postseason mula noong 2010.
Gaganapin ang Game 1 sa Lunes (Martes sa Manila) sa Oakland.
Nanguna sa Clippers si DeAndre Jordan na may 24 puntos at 17 rebound, habang kumana sina Jamal Crawford at Chris Paul ng 20 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod.
"We come off a Game 7 win, you feel good, you have some momentum," sambit ni Hayward. "You can kind of keep it rolling a little bit."
Sa Boston, nagpamalas ng kahusayan ang Celtics sa outside shooting sa natipang 19 three-pointer para gapiin ang Washington Wizards, 123-111, sa Game 1 ng kanilang Eastern Conference semifinal.
Ratsada ang nagdadalamhati na si Isaiah Thomas sa nakubrang 33 puntos at siyam na assist para pagbidahan ang Celtics sa ikalimang sunod na panalo, kabilang ang huling apat para pabagsakin ang Chicago Bulls, 4-2, sa first round ng playoff.
Walang bakas ng kalungkutan kay Thomas na galing lamang sa libing ng nakababatang kapatid na babae na pumanaw matapos maaksidente isang araw bago ang pagsisimula ng first round series laban sa Bulls.
Nag-ambag si Al Horford ng 21 puntos, 10 rebound at siyam na assist, habang tumipa si Jae Crowder ng 24 puntos.
Mas ganado at matikas ang Wizards mula sa simula kung saan naitala nila ang 16-0 bentahe at lumamang ng hanggang 17 puntos sa first half. Ngunit, nakabawi ang Celtics at sa pangunguna ni Thomas, nabungian sa harapang ngipin, ay matikas na naagaw ang abante sa third period.
Nabalewala ang impresibong opensa ni Bradley Beal na may 27 puntos, habang kumana si John Wall ng 20 puntos at 16 assist.
Nagtamo ng sprained si Washington forward Markieff Morris sa second period at hindi na nakabalik sa laro.