Nina BELLA GAMOTEA, ORLY BARCALA, ROMMEL TABBAD at MARY ANN SANTIAGO

Nasa 40,000 militante mula sa bagong tatag na labor alliance na PAGGAWA (Pagkakaisa ng Manggagawa) ang magmamartsa sa mga kalsada sa Metro Manila at sa ilang lalawigan upang igiit ang kanilang mga karaingan ngayong Labor Day.

Ayon sa PAGGAWA, hindi nila gugunitain sa mga tradisyunal na aktibidad tuwing Araw ng Manggagawa at sa halip ay gagamitin nila ang okasyon para igiit ang kanilang punto sa mga isyu na nakaaapekto sa milyun-milyong manggagawa.

Magtitipun-tipon ang mga militante sa Plaza Miranda sa Quiapo ngayong Lunes, dakong 8:00 ng umaga, bago magmartsa ang mga ito patungong Mendiola Bridge at doon magsasagawa ng programa.

House Sergeant-at-Arms kay VP Sara: 'Pinagbigyan pero sumobra!'

Bukod pa ito sa ibang labor groups na manggagaling naman sa Monumento Circle sa Caloocan City, na didiretso sa Liwasang Bonifacio bago magtungo sa Mendiola.

Ihihirit ng PAGGAWA sa gobyerno na maibasura ang Department Order 174 na nagsasalegal sa abusadong contractualization, agarang pagtanggal sa puwesto kay Department of Labor and Employment (DoLE) Secretary Silvestre Bello III, at pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa binalangkas na Executive Order na isinumite ng BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino) noong Nobyembre 2016 na nagbabawal sa lahat ng uri ng contractualization.

Bukod sa BMP, ang PAGGAWA ay binubuo rin ng Association of Genuine Labor Organizations (AGLO) at National Federation of Labor Unions (NAFLU), Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reform Federation (SUPER), at Metro East Labor Federation (MELF).

Inasahan din ang paglahok sa protesta ng mga grupong Sanlakas, Partido Lakas ng Masa (PLM), Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang-Lungsod, at Samahan ng Progresibong Kabataan, gayundin ang mga grupong nakapaloob sa National Confederation of Labor (NCL).

Magsasagawa rin ng kaparehong pagkilos sa Bacolod, Cebu, Tacloban at Davao.

LIBRENG PABAHAY HIRIT NG KADAMAY

Daan-daang miyembro rin ng Kalipunan ng Mamamayang Mahihirap (Kadamay) ang nagtipun-tipon sa Agham Road sa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City, bago magtutungo ngayong Lunes sa Liwasang Bonifacio at didiretso sa Mendiola upang manawagan naman ng libreng pabahay.

Inirereklamo rin ng Kadamay ang kawalan ng mga pangunahing serbisyo sa mga government relocation area, gaya ng inokupa ng grupo sa Pandi, Bulacan kamakailan.

1,600 PULIS-MAYNILA IPAKAKALAT

Kaugnay nito, kasado na ang ipatutupad na seguridad ng Manila Police District (MPD) kaugnay ng kabi-kabilang protesta sa Maynila ngayong Labor Day.

Ayon kay MPD Director Chief Supt. Josel Napoleon Coronel, magpapakalat sila ng 1,600 pulis sa iba’t ibang lugar na magiging sentro ng mga labor protest sa Maynila ngayong Lunes.