NAG-POST si Ria Atayde nitong Biyernes na nakapasok sa finals ang Encienda Poveda Dance Group, na kinabibilangan ng kanyang kapatid na si Gelatin, na nakikipag-compete ngayon sa International Cheer Union Worlds Competition 2017 sa Universal Studios Orlando, Florida.
Post ng My Dear Heart star, “I am in tears beaming with pride. Wish I could have been there to witness this live. I am so so proud of you Gellypie (term of endearment ng pamilya sa kapatid). Please continue to pray for Gela and her team as they have now moved on to the finals in the International Cheerleading Union Worlds 2017 competition.”
Bago kasi pinabalik sa My Dear Heart ay naka-schedule nang lilipad for Orlando, Florida si Ria para samahan ang kapatid, dahil nga busy that time ang kanilang Mommy Sylvia Sanchez sa taping ng The Greatest Love at gayundin si Arjo Atayde sa FPJ’s Ang Probinsyano.
Pero biglang nabago na ang takbo ng kuwento ng My Dear Heart, kinailangang lumitaw na ang karakter ni Ria bilang si Dra. Guia na palagi nang kasama sa eksena nina Ms. Coney Reyes (as Dra. Margaret) at Nayomi Ramos (as Heart), Bela Padilla at Zanjoe Marudo kaya hindi siya puwedeng lumiban sa taping.
Tumayming naman na hindi na muling nag-extend ang TGL kaya si Sylvia na ang may maluwag na oras, kaya ito ang naroroon sa Florida ngayon para magbigay ng moral support sa anak.
Nakipag-chat kami kay Ibyang habang sinusulat ang balitang ito, at ang kanyang sabi, “Lumaban kahapon (Abril 27) ng semi-finals sila Gela, nakapasok sila para lumaban ng championship ngayon, from 15 countries kahapon, 7 na lang sila ngayon maglalaban-laban for the championship: USA, Philippines, Japan, Equador... may tatlo pa hindi ko na maalala.”
Samantala, marami ang humanga kay Ria sa comfrontation scene ng kanyang character sa mama niyang si Dra. Margaret dahil walang buckle niyang nai-deliver ang mahabang dialogue. Kaya tinanong namin kung nakailang take siya.
“One take lang po, tita, ha-ha-ha!” masayang mensahe ng baguhang aktres.
Pero nakulangan pa rin siya sa ibinigay niya at marami pa raw siyang kailangang i-improve sa pag-arte.
“I don’t know, medyo (nakulangan). I have so much to impove on,” sey sa amin.
Hmmm, naalala tuloy namin ang sabi ng isang premyadong direktor na huwag basta makuntento sa papuri ng iba pagdating sa pag-arte, dapat daw ay laging isipin na may ilalabas pa.
Sa madaling salita, marami pang mahuhugot sa anak ni Ibyang.
Si Ibyang na rin naman ang nagsabi sa isang kuwentuhan namin, “Mas magagaling ang mga anak kong umarte kaysa sa akin.
Kasi, ako, marami akong pinanghuhugutan dahil lumaki ako sa hirap at hindi rin madali ang pagpasok ko sa showbiz. Eh, ang mga anak ko, wala naman silang paghuhugutan, lumaki naman silang komportable sa buhay, wala pa naman silang experience na masasabi kong mas matindi kaysa sa pinagdaanan ko. Kaya naniniwala akong talent nila iyon.”
(Reggee Bonoan)