Labintatlong katao ang sugatan, dalawa sa mga ito ay kritikal, matapos umanong pasabugin ng riding-in-tandem, gamit ang isang homemade pipe bomb, ang isang peryahan sa Quezon Boulevard, sa Quiapo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay SPO3 Dennis Insierto, ng District Special Operations Unit (DSOU) ng Manila Police District (MPD), sa magkakaibang ospital isinugod ang mga biktima.

Dalawa ang isinugod sa Philippine General Hospital (PGH) at sila ay sina Ramon Carious, 46, ng 1904 CM Recto Avenue; at Rolando Gubat, 45, ng Castillejos Street, sa Quiapo.

Sa Mary Chiles Hospital naman isinugod si Pepito Enriquez, 44, ng Obando, Bulacan; sa Manila Doctors isinugod si Mariano Genabel, habang ang siyam na iba pa ay isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) at sila’y kinilalang sina Migine Lopez, 24, ng Tanza, Cavite; Mayvelyn Olipas, 19, ng Barangay Tayog, Carriedo, Pangasinan; Alvin Michael Vallila, 20, ng 1802 CM Recto Avenue, Quiapo; Clarissa Macaspac, 24, ng San Pedro Saog, Lubao, Pampanga; Amado Flores, 37, ng Sta. Cruz, Laguna; Patrick Bagnes, 26, ng 11 Lopez Street, Villas Espanya Subdivision, Araneta Avenue, Quezon City; Reynaldo Cabanilla, 28, ng Bautista, Pangasinan; Ruiz Convicto Jr., 32, ng 599 Ayala Boulevard, Ermita, Maynila; at Wilfredo Tomagan, 22, ng 724 Quezon Boulevard, Quiapo.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Karamihan umano sa mga biktima ay pawang tauhan ng peryahan habang ang iba ay nadamay lamang.

Base sa ulat, sa ganap na 10:49 ng gabi, sumabog ang bomba na may lapad na dalawa hanggang tatlong pulgada at nilagyan ng pulburang ginagamit sa paputok at mga shrapnel, sa isang bangketa sa Quezon Boulevard, sakop ng Bgy. 391, Zone 40, sa Quiapo.

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, bago ang pagsabog ay dumating ang riding-in-tandem na hinihinalang naghagis ng bomba, na pumailalim sa mesa ng isang tindero bago tuluyang sumabog.

WALANG KINALAMAN SA ASEAN SUMMIT

Nilinaw naman ng awtoridad na walang kinalaman ang insidente sa idinaraos na 30th Association of South East Asian Nation (ASEAN) Summit sa bansa, at sa halip ay posible umanong paghihiganti ito ng mga nagsusugal sa peryahan sa lugar.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, napag-alaman na bago ang insidente ay isang lalaki ang nagbanta na pasasabugin niya ang lugar na pinangyarihan.

POLICE OFFICIALS, SUMUGOD SA LUGAR

Kaagad namang nagtungo sa pinangyarihan sina MPD Director Police Chief Supt. Joel Napoleon Coronel at National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Director Oscar Albayalde, gayundin si Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald “Bato” Dela Rosa upang personal na makita ang lugar.

Ayon kay Albayalde, hindi terorismo ang naganap dahil homemade at mahinang uri ng pampasabog ang ginamit.

Wala rin umano itong kinalaman sa ASEAN Summit.

“Walang kinalaman sa ASEAN dahil homemade, napakaliit na pipe bomb. Nakita naman natin walang damage to property except ‘yung mesa nung vendor,” aniya.

Sa panig naman ni Dela Rosa, sinabi nito na “isolated case” lamang ang naganap at may kinalaman ito sa “gang war”.

(MARY ANN SANTIAGO)