Workers clear concrete debris as they search for possible casualties at the ruins of an old building that collapsed near the central market in General Santos, southern Philippines

Taranta ngunit hindi tiyak ang patutunguhan, nagpulasan ng takbo sa lansangan ang mga residente sa katimugan ng Sarangani sa Davao Occidental, habang nagsiakyat naman sa kabundukan ang ilan sa matinding takot sa posibilidad ng tsunami kasunod ng magnitude 7.2 na yumanig sa lalawigan kahapon ng madaling araw.

Ayon sa National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), batay sa report na tinanggap ng ahensiya mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), may lalim na 57 kilometro ang lindol na ang sentro ay tumama sa General Santos City sa South Cotabato.

Kaagad ding nagbabala si Phivolcs Director Renato Solidum sa posibleng pananalasa ng tsunami dahil ang pagyanig ay malapit sa baybayin.

BALITAnaw

#BALITAnaw: Mga sikat na personalidad na sumakabilang-buhay ngayong 2024

Kabilang sa naapektuhan ng pagyanig ang GenSan, Koronadal City, Santa Maria, Jose Abad Santos, Don Marcelino, at Balot Island sa Davao Occidental; Polomolok at Tupi sa South Cotabato; Alabel, Malapatan, at Glan sa Sarangani; at Palembag, Sultan Kudarat na dumanas ng Intensity V. Intensity IV naman sa Davao City, Cotabato City, at Zamboanga City; Intensity III sa Cagayan De Oro City; at Intensity II sa Kidapawan.

Kalaunan, binawi rin ng Phivolcs ang tsunami warning at sa halip ay nagbabala sa aftershocks na may lakas na hanggang magnitude 4.1.

Batay sa paunang report ng provincial at municipal disaster risk reduction and management council, apat na katao ang bahagyang nasugatan matapos lumindol bandang 4:23 ng umaga kahapon.

Kinilala ng PDDRMC at MDRRMC sa Sarangani ang mga nasugatan na sina Edilberto Corporal, Beverly Dala, Rodolfo Remollo at Ronel Gamboa, na pawang dinala sa Glan Municipal Hospital pero kaagad din namang pinauwi matapos gamutin ang kanilang minor injuries.

Nawalan din ng kuryente sa GenSan ngunit kaagad din namang naibalik.

Hanggang sa sinusulat ang balitang ito, ang maituturing na pinakamalalaking pinsala ay ang pagguho ng isang lumang gusali sa palengke ng GenSan at ang pinsala sa pantalan sa Glan, Sarangani.

(May ulat nina Rommel Tabbad at Leo Diaz) (MIKE CRISMUNDO at FER TABOY)