ANG mga bayan sa Cordillera na dating walang access sa worldwide web ay hindi na ngayon padadaig sa larangan ng impormasyon at kaalaman tungkol sa siyensiya at teknolohiya, kabilang ang mga makatutulong sa pagsusulong ng kabuhayan para sa lahat.

Sinabi ni Shiela Claver, information officer ng Department of Science and Technology, sa mga guro at librarian mula sa iba’t ibang eskuwelahan sa lalawigan na ang silid-aklatan ng Department of Science and Technology sa Taguig City ay mayroong mahigit 80,000 impormasyon tungkol sa siyensiya at teknolohiya na tanging mahigit isang libong mananaliksik lang ang gumamit bago sumapit ang 2011.

Sa pamamagitan ng Science and Technology Information Institute na nagdisenyo ng Openly Operated Kiosk Stations o Starbooks na nakabatay sa Science and Technology Academic and Research, bukas na ang mga kaalaman at materyales sa daan-daan libong tao, maging sa mga nasa liblib na lugar sa bansa, nang hindi na kinakailangang magtungo pa sa Metro Manila, at kahit hindi konektado sa Internet.

Ang Cordillera ay may 85 kiosk sa lahat ng lalawigan, karamihan ay nasa mga eskuwelahan sa malalayo o liblib na komunidad.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

“Our goal is one kiosk in every barangay,” sabi ni Claver.

Mayroon na ngayong 1,292 kiosk sa buong bansa.

Ginagamit na ngayon ng mga pampubliko at pribadong paaralan, tanggapan at mga pribadong institusyon sa Cordillera ang Starbooks, na isang libreng software mula sa Department of Science and Technology. Kailangan lamang ng mga interesadong tanggapan na maglaan ng computer na mayroong specification, at lumagda sa isang memorandum of agreement.

Tampok sa kauna-unahang Philippine Science digital library, na nilikha noong 2011, ang lahat ng lathalain ng Department of Science and Technology, mga video tungkol sa kabuhayan at edukasyon, library materials, educational games para sa mga bata, espesyal na koleksiyon, interactive video at mga pananaliksik tungkol sa siyensiya at teknolohiya. Ang mga impormasyon ay ina-update tuwing tatlong buwan upang makatupad ang Starbooks software sa mga kaalamang kinakailangan ng publiko.

Ngayong taon, pinagbuti pa ang Starbooks upang pahintulutan ang mamamayan na makatulong sa pag-iimbak ng mahahalagang impormasyon tungkol sa siyensiya at teknolohiya.

“We are encouraging the public to upload data, thesis and power point presentations on science and technology,” na tatanggapin ng mga clearing house ng Department of Science and Technology upang beripikahin ang mga impormasyon bago ito ipaskil para sa publiko sa website ng Starbooks, ayon kay Claver. Ang mga materyales na nasa Starbooks ay makikita rin sa mga kiosk kapag na-update na ito.

Upang maprotektahan ang impormasyon, ang mga search ay hindi maaaring ma-download ngunit puwede namang iimprenta, upang maiwasan ang paglabag sa copyright. (PNA)