KAPANALIG, ang paggamit ng enerhiya ang isa sa malalaking isyung labis na nakaaapekto sa lipunan. Sa lumalaking populasyon ng mundo at ang sabay-sabay nating paggamit ng enerhiya araw-araw ay may malaking epekto sa resources na kayang ialay ng ating nag-iisang mundo.

Sa ating bayan, iba-iba ang pinagmumulan ng enerhiya. Ngunit siyempre, elektrisidad ang pangunahing enerhiya sa ating mga tahanan.

Nasa 87% ng 21 milyong bahay ay elektrisidad ang pangunahing pinanggagalingan ng enerhiya, ayon sa pinakahuling Household and Electricity Consumption Survey. Ang ibang bahay ay gumagamit ng LPG, partikular na sa pagluluto. Aabot sa 25%bahay sa mga rural area at 56% ng mga urban area ay gumagamit nito. May mga gumagamit din ng uling at kerosene.

Ang Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ay may pag-aaral na sumuri sa relasyon ng enerhiya, panahon at kasarian. Sa nasabing pag-aaral, kahit mahirap o mayaman, elektrisidad ang pangunahing pinagkukunan ng enerhiya ng mga bahay. At kahit middle class o may kaya, gumagamit din ng uling.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nadiskubre rin sa pag-aaral na ang lagay ng panahon ay may malaking epekto sa bahay, kahit pa ang karamihan ng mga miyembro nito ay babae o lalaki. Nakakaapekto ang heat index sa paggamit ng LPG ng mga bahay na may mas maraming lalaki at ng paggamit ng uling ng mga bahay na may mas maraming babae.

Ayon din sa pag-aaral, ang pabagu-bagong heat index ay may pinakamataas na epekto sa paggamit ng elektrisidad ng mga bahay na babae ang namamahala o female-headed.

Maraming pag-aaral na ang nagpatunay na pagdating sa enerhiya at climate change, babae ang mas bulnerable. Pagdating kasi sa bahay, kadalasan ang babae ang inaasahang manguna. Kadalasan, mas alam nila ang energy needs ng kanilang bahay at ng mga miyembro nito. Kung female-headed pa ang bahay, sila na mismo ang namimili at nagbabayad ng energy use ng kanilang tahanan.

May ilang implikasyon ang sitwasyong ito. Una, kailangan ng paghahanda. Kung masusuri natin na tumataas o bumababa ang paggamit ng isang uri ng enerhiya depende sa panahon, mapaplano natin ang ating energy supply at use. Pangalawa, kung babae ang pangunahing apektado, kailangan siyang ma-empower upang matugunan niya ang pabagu-bagong energy needs ng kanyang bahay. Isipin mo na lang, sa mundo kung saan lagi na lamang mas maliit ang suweldo ng babae pero napakalaki naman ng kanilang pangangailangan sa bahay, saang bulsa sila kukuha upang tugunan ang suliraning ito?

Panlipunang katarungan ang hamon ng ganitong sitwasyon. Ang Gaudium et Spes ay may gabay na maaaring makatulong sa ating kumilos: “Ang suweldo ay dapat sapat upang ang tao ay makakayanang malinang ang kanyang buhay at lahat ng umaasa sa kanya”. Ang suweldong binibigay mo sa ordinaryong ina na sapo ang lahat ng pangangailangan ng kanyang tahanan, ay sapat ba upang maabot nito ang kaganapan ng buhay, kahit paunti-unti lamang? (Fr. Anton Pascual)