PAALIS ngayong araw sina Dingdong Dantes, Marian Rivera at Baby Zia para sa kanilang five-day family vacation sa Spain. Ibinahagi ni Dingdong ang balita sa “Chika Minute” ng 24 Oras last Friday.
“Matagal na naming plano ito pero hindi magtagpu-tagpo ang oras namin ni Yan,” sabi ni Dingdong. “Tuwing magpaplano kami, may papasok na schedule kami. Ngayon lang naayos ang schedule namin at tuloy na ito. First time ni Lolo Fran Gracia na makikita ang kanyang apo nang personal. Ganoon din ng iba pang relatives ni Yan sa Spain. Magkakaroon din ako ng chance muling maka-bonding ang father-in-law ko dahil after ng wedding namin ni Yan, ngayon ko lang muli siya makakasama. Hindi naman kami magtatagal, five days lang kami roon dahil maraming work kaming iiwanan.”
Tinapos nga muna ni Marian ang guesting niya as Graciang Grasa sa pilot telecast ng Daig Ka ng Lola Ko na mapapanood mamayang 7:35 PM, sa GMA Super Grande.
Nagsimula na ring mag-taping si Marian sa iho-host niyang Tadhana, a docu-drama na tribute sa overseas Filipino workers na mapapanood sa GMA News TV every Saturday. Bago umalis, nakapag-story conference na rin si Marian para sa bagong teleserye niya sa GMA na The Good Teacher; pagbalik galing Spain magsisimula ang taping nito.
Nagkaroon na rin ng soft-opening ang kanyang flower shop business na #FloraVidaByMarian” at sa ngayon tuluy-tuloy na ang pagtanggap niya ng orders through online. Magkakaroon siya ng formal opening ng flower shop soon.
Nag-trending naman sa Twitter last Friday ang guesting ni Marian sa Encantadia bilang si Hara Mine-a, ang reyna ng Lireo. Walang kaduda-dudang inabangan ang first appearance niya habang nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Hagorn (John Arcilla) at nilalabanan ang mga diwatang anak niya -- sina Danaya (Sanya Lopez), Pirena (Glaiza de Castro) at Alena (Gabbi Garcia), na hindi makapaniwala at hindi nila magawang labanan ang ina.
Inaabangan ng Encantadiks kung sa pamamagitan ng tungkod ni Imaw, na makikita sa balintataw ang nakaraan ni Mine-a, ay mapagbabago ang kanyang isip at kung maibabalik ang kanyang pagiging ina sa mga anak.
Hinihintay din kung ano naman ang pagbabago sa character ni Dingdong bilang si Rama Ybrahim sa kanyang muling pagbabalik sa fantaserye. (NORA CALDERON)