ISA nang tradisyon at kaugalian na tuwing sasapit ang gabi ng mainit na buwan ng Abril hanggang sa madaling araw ng unang araw ng Mayo ay nagsasagawa ng ALAY-LAKAD Paahon sa Antipolo ang ating mga kababayan mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Metro Manila at iba pang lalawigan at ang mga taga-Rizal.

Ang kanilang taunang Alay-Lakad ay bahagi ng kanilang panata at debosyon sa Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay na ang imahen ay nakadambana sa katedral ng Antipolo.

Ang simula ng Alay-Lakad Paahon ng Antipolo ay inihuhudyat ng isang motorcade kasama ang replica ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay patungo sa simbahan ng Quiapo na naroon ang imahen ng Black Nazarene.

Ayon kay G. Mar Bacani, Tourism Officer ng Antipolo City, ang motorcade, mula sa Antipolo katedral ay nagsisimula ng 8:00 ng umaga. Ang pagdadala ng replika ng imahen ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay ay tinatawag na “Pagdalaw ng Ina sa kanyang Anak” na ang tinutukoy ay ang Mahal na Birhen at si Jesus. Isa nang tradisyon at bahagi ng Alay-Lakad.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Matapos ang misa sa ganap na 7:00 ng gabi sa simbahan ng Quiapo, sisimulan na ng ating mga kababayan ang Alay-Lakad. Pagsapit sa tapat ng gusali ng Meralco sa Ortigas Avenue, Pasig City, makakasabay na ng mga nagmula sa Quiapo ang mga nag-aalay lakad na mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Metro Manila.

Bilang pangangalaga naman sa kaayusan at kaligtasan ng mga kasama sa Alay-Lakad, ang Rizal Police Provincial Office (RPPO) ay magtatalaga ng mga pulis sa Ortigas Avenue sa bahagi ng Cainta at Taytay hanggang sa Sitio Kaytikling sa Taytay, Rizal na doon naman nagsisimula ng Alay-Lakad ang mga taga-Rizal na nagmula sa mga bayan sa eastern Rizal tulad ng Angono, Binangonan, Cardona, Morong, Baras, Pililla at Jalajala. Kabalikat ng RPPO sa pangangalaga ng peace and order ang mga barangay tanod at iba’t ibang civic organization.

Sa Antipolo City, nag-deploy o nagtalaga rin ng mga pulis ang Antipolo PNP sa harap at paligid ng Katedral ng Antipolo upang matiyak ang kaligtasan ng mga kasama sa Alay-Lakad. Marami sa kanila ay papasok sa katedral upang magdasal at magpasalamat sa Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay. Ang iba’y hihintayin ang unang misa sa unang araw ng Mayo na magsisimla ng 5:00 ng umaga. Ang Alay-Lakad ay karaniwang natatapos ng 4:00 ng madaling araw. Matapos magsimba, ang mga nag-Alay-Lakad bago umuwi ay namimili ng mga souvenir, ng mangga, suman at buto ng kasoy na pasalubong sa kanilang mga kasama sa bahay.

Ang Alay-Lakad Paahon sa Antipolo ay simula na rin ng Antipolo Maytime Festival. Ang pamahalaang lungsod, sa pangunguna ni Antipolo Mayor Jun Ynares at ng Antipolo Tourism Office, ay may inihandang iba’t ibang gawain para sa buwan ng Mayo. Isa na rito ang street dancing ng mga mag-aaral mula sa 20 public at private school. Sisimulan sa Sumulong Park ng 3:00 ng hapon at matatapos sa Ynares Center na pagdarausan ng final showdown ng street dancing.

(Clemen Bautista)