ZAMBOANGA CITY – Patay na ang kilabot na sub-leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) na si Alhabsi Misaya, makaraang mapaslang sa entrapment operation ng militar sa Parang, Sulu, nitong Biyernes ng gabi.
Ayon sa military report, napatay si Misaya sa entrapment operations ng Philippine Marine Reconnaissance Force (PMRF) sa Barangay Silangkan sa bayan ng Parang, bandang 9:35 ng gabi nitong Biyernes.
Nakasaad pa sa ulat na pumalag si Misaya at pinagbabaril ang mga papalapit na sundalo na nagsagawa ng entrapment sa kanya, pero nauwi sa bakbakan na ikinasawi ni Misaya.
Walang iniulat na nasaktan o nasugatan sa panig ng militar.
Batay sa record ng militar, nakilala si Misaya nang pugutan niya ang pitong trabahador sa pabrika sa Jolo, Sulu noong 2007.
Na-video pa ni Misaya ang kanyang pamumugot at in-upload ito sa YouTube. Sa 14-minutong video clip, maririnig si Misaya na sinasambit ang mga bersikulo sa Quran habang pinadadapa niya ang unang bihag hanggang sa pugutan ito gamit ang patalim na “barung”.
Pinugutan ng ASG ang pitong factory worker — na dinukot ng mga bandido mula sa isang pagawaan ng plywood — makaraang tumanggi ang kumpanya na bayaran ang ransom ng mga ito.
Bagitong miyembro pa ng ASG si Misaya noon, hanggang sa kumita na siya ng milyun-milyong piso sa ransom dahil sa serye ng pagdukot ng grupo sa Sabah na pinangunahan niya.
Batay sa intelligence reports, isinasangkot din si Misaya sa Malagutay bombing noong 2002 na ikinasawi ng Amerikanong sundalo na si Mark Jackson, habang 23 iba pa ang nasugatan.
Sinasabing responsable rin si Misaya sa pambobomba noong 2009 sa Salaam Bridge sa Indanan, at sa isang coffee shop sa Jolo na ikinamatay ng apat na tao noong 2011.
Sangkot din si Misaya sa pagdukot sa 10 tripulanteng Indonesian sa Tawi-Tawi noong Marso 2016 at humingi ng P10-milyon ransom mula sa employer ng mga ito.
Batay sa military background, si Misaya ay tubong Bgy. Bunot, Indanan, Sulu at isa sa iilang bomb expert ng Abu Sayyaf. (NONOY E. LACSON at AARON B. RECUENCO)