DAVAO CITY – Sugatan ang dalawang security guard at isang fish vendor sa serye ng pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa tatlong lugar sa Davao kahapon ng madaling araw.

Iniulat ng Davao del Norte Police Provincial Office na sinunog ng nasa 100 armadong rebelde, sakay sa dalawang 10 wheeler-truck, ang Macondray Plastics Incorporated (MPI) sa Barangay Tagpore, Panabo City bandang 3:30 ng umaga.

Dating Agro Plastics, Inc., ang MPI ang nagsu-supply sa mga kumpanya ng saging na nasa ilalim ng Lapanday Group.

Sinilaban din ng NPA ang Lapanday box plant at mga gusali ng planta sa Tigatto Road sa Buhangin, na ikinasugat ng balikat at tiyan ng security guard na si Reynaldo Talamaque.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Iniulat ni Buhangin Police chief, Senior Insp. Milgrace Driz na bandang 5:30 ng umaga naman nang sumabog ang isang improvised explosive device (IED) sa Mandug Road sa Purok 8, Tigatto, na ikinasugat ni Larry Timbal Buenafe, 34, tindero ng isda at taga-Bgy. 76-A, Agdao, Davao City.

Dakong 6:00 ng umaga naman nang dumulog sa himpilan ng Calinan Police ang security guard ng Lorenzo Farm na si Rico Truz Badil, Jr., na may sugat sa puwet matapos umanong sumiklab ang bakbakan sa farm sa Bgy. Pangyan bandang 3:30 ng umaga.

Tinangay din ng mga rebelde ang apat na shotgun at isang M16 rifle, ayon kay Badil.

Sinabi ni Maj. Ezra Balagtey, tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command, na ang mga pag-atake ay bahagi ng extortion activities ng NPA. (PNA)