HARRISBURG, PA. (Reuters, AFP) – Bumiyahe si U.S. President Donald Trump nitong Sabado upang ipagdiwang ang kanyang unang 100 araw sa White House kasama ang mga naghihiyawang tagasuporta, ipinagmalaki ang kanyang mga natamo at binira ang kanyang mga kritiko.

Sinabi ni Trump sa mga tao sa Pennsylvania na nagsisimula pa lamang siyang tuparin ang mga ipinangako niya noong kampanya. Paulit-ulit niyang inatake ang “incompetent, dishonest” na media, na aniya ay hindi nagsasabi ng totoo tungkol sa mga natamo ng kanyang administrasyon.

Iprinisinta ni Trump, sa kanyang talumpati sa Harrisburg, Pennsylvania ang kanyang mga natamo – kabilang ang paglalagda sa maraming executive order – na ‘’very exciting and very productive,’’ sa kabila ng inilarawan niyang ‘’mess’’ na iniwan ng administrasyong Obama.

“My administration has been delivering every single day for the great citizens of our country,” pagmamalaki ni Trump. “We are keeping one promise after another, and frankly the people are really happy about it.”

Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'

Ginanap ang rally sa parehong araw ng climate march na libu-libong nagpoprotesta ang sumugod sa White House, at kasabay din ng taunang black-tie White House press dinner sa Washington.

Sinabi ni Trump na masaya siyang malayo sa “Washington swamp” at sa ‘’very boring’’ na hapunan. Pinasaringan niya ang ‘’fake news’’ CNN at ang ‘’failing’’ New York Times. ‘’They are a disgrace,’’ aniya.

“A large group of Hollywood actors and Washington media are consoling each other in a hotel ballroom in our nation’s capital right now,” sabi ni Trump sa madla. “If the media’s job is to be honest and to tell the truth, the media deserves a very, very big fat failing grade.”