SINABI ni Thai promoter Jimmy Chaichotchuang na inspirado ang kanyang alagang boksingero na si Eaktawan Ruaviking sa panalo ng kababayang si Srisaket Sor Rungvisai sa United States kaya tatalunin nito si two-division world champion Donnie Nietes.
Napabagsak ni Srisaket sa 1st round ang dating walang talong si pound-for-pound king at ex-WBC super flyweight champion Roman Gonzalez ng Nicaragua at naging agresibo sa kabuuan ng laban upang magwagi sa 12-round majority decision kamakailan sa Madison Square Garden sa New York at sa panalong ito inspirado si Eaktawan na kilala rin bilang Komgrich Nantapech.
Magsasagupa ngayon sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu City sina Nietes at Eaktawan para sa bakanteng IBF flyweight title.
“Since Srisaket Sor Rungvisai beat Roman Gonsalez, I hope Eaktawan can do the same to shock Nietes in the Philippines,” sabi ni Chaichotchuang sa Fightnews.com.
Nangantiyaw naman si Eaktawan na matanda na si Nietes pero nagpunta siya sa Pilipinas para palasapin ng pagkatalo ang Filipino ring icon.
“Nietes is a very dangerous boxer, but I will do my best. I am coming to win. There is no pressure on me. I’m not worried about fighting in the Philippines,” ani Eaktawan.
Bagamat 34-anyos na, tiniyak naman ni Nietes na magsisisi si Eaktawan kapag natikman na ang kanyang mga kamao.
“It shows in my age that I’m old but I feel young. I’m just like fine wine, I get better as I age,” giit ni Nietes.
“I don’t mind him calling me old because I feel very young right now. I have trained for a 12-round fight. But if there is a chance of a knockout then I will knock him out. I feel stronger than ever.”
May kartada si Nietes na 39-1-4, tampok ang 22 knockout samantalang si Eaktawan ay may kartadang 22-3-0, na may 15 pagwawagi sa knockout. (Gilbert Espeña)